Doctors (a novel) Chapter 3 – Ike

Chapter 3 – Ike

 

” It is the duty of the doctor to prolong life and it is not his duty to prolong the act of dying.”  – Thomas Horder

 

 

“Aray, nako po ang sakit ng tadyang ko anak at di ako makatayo. Mali yata bangon ko… pakitawag mo nga daddy mo.”

“Sige po.” nagmamadaling tumakbo sa ama si Ike

“Oh, napaano ka honey?” tanong ng asawa

“Daddy, uwi na ba tayo at tapos na ang picnic natin dito sa park?”

“OO anak kasi sumasakit ang balakang ng mommy mo kaya kelangan ko siyang patingnan kay Doctor Suarez!”

Tinawagan kaagad ni Mayor  si Doctor Suarez bago pa man nito dalahin sa San Pablo Medical Center ang asawa nito. Duon na lamang daw niya dadalahin ang asawa nito kasi maskompleto ang gamit. Agad din namang sumunod ang doctor kahit na may tinitingnan pa itong pasyente sa Lopez hospital.

“Hello Mayor, ano po maitutulong ko at napatawag kayo?” sagot ng doctor

“Emergency kasi biglang nanakit ang kanang balakang ng asawa ko. Papatingnan ko sayo at di-diretso na kami sa San Pablo ha! Bilisan mo!” utos nito

“Nakop, may pasyente po ako ditong bata na malubha ang lagay eh.”

“Malubha na pala eh… Baka naman di na din yan magtatagal eh ang misis ko ay namimilipit sa sakit… Syanga pala yung sallary increase mo ay aprobado ko na…   Ano tutuloy ba ako?”

“Ah…eh…opo! OPO! nagbibihis na nga po ako…” taranta ng madinig ang good news sa matagal na nitong hiling na inkremento sa sahod

Nang marating ng pamilya ni Ike ang Hospital sa kabilang bayan ay medyo nawala na ang sakit sa baywang ni Gng. Helen at naandoon na nga ang doctor sa labas ng lobby at nag-aantay sa pasyente nito.

“Good Afternoon po Mayor! Mukha naman po OK si Mrs. Helen ah!”

“Anong palagay mo sa akin Doktor Suarez…sinungaling!” paangil na sagot ng Mayor

“Ah…eh… hindi po ganoon ang ibig kong sabihin…pasensya na po Mayor… sige po at diretso na natin sa obseration room.” mahinang paliwanag nito at nakangise na sa pagkakapahiya, kung mababawi nga lamang ang nasabi na kaso ang nasabi na ay nasabi na.

“Oh Yaya, duon muna kami sa loob ng kwarto at samahan mo sa canteen si Ike para magmeryenda ha.” utos nito sa nakatulala pa ring katulong

“Sige po Mayor….” sagot ng tarantang yaya ni Ike

“Ano na ang nakita mo sa CT Scan ng asawa ko doctor?”

Ring…Ring… walang tigil ang telepono ng Doktor sa pag-Ring

“Excuse me Mayor at sasagutin ko lang po ang cellphone ko kasi sa Lopez Hospital po at baka emergency.”

“Bilisan mo!”

“May sakit po si Misis na MS o Multiple Sclerosis ngunit Stage I lamang ito kaya wala tayong dapat ikabahala. Reresitahan ko na lamang kayo ng gamot na ipapainom nyo sa kanya. Mabuti rin po ay huminge kayo ng second opinion sa Maynila kasi mas-kompleto sila ng gamit duon.”

Apat na taong gulang pa lamang si Ike ng panahong ma-diagnosed ang sakit ng ina nito na si Gng. Helen na may Stage I, Multiple Sclerosis ito. Pinatingnan pa ng Mayor ang asawa sa apat na Hospital sa Maynila upang masigurado ngunit iisa ang kasagutan.  Mabagal naman daw ang progreso ng sakit sabi ng mga Doctor at ayon sa istatistika ay wala namang namamatay dito kundi sa kumplikasyon lamang kung lumala na. Masbata ang edad ay masmalaki ang tsansa na mabuhay ng normal kahit dala-dala ang karamdamang ito dahil wala pang lunas na nadidiskubre para rito. Ang Ina naman ni Ike noon ay 35 years old pa lamang kaya huwag daw silang mabahala basta regular itong magpapa-kunsulta. Kung ano mang ibang kakaibang maramdaman nito ay huwag mag-atubiling patingnan.

Dumaan naman ang ilang taon at walang kakaibang naramdaman ang ina ni Ike. Inalagaan nitong mabuti ang kaisa-isang anak. Hindi na nagkapatid ito dahil ipinagbawal ng mga doktor na mabuntis si Gng. Helen dahil baka daw ito ang gumising sa natutulog na sakit nito. Sinunod naman nila kaya nagpa-ligate na ito. Mahal na mahal kasi ni Mayor ang asawa niya.

Lumaking mabait at masipag mag-aral si ike. Madalas sabihin ng mga guro nito sa magulang na parating nagna-number 1 sya sa klase. Ewan nga lamang kung totoo o sumisipsip lamang ang mga guro kay Mayor Bautista pero paniwalang-paniwala naman ang mga magulang ni Ike. Nakikita din naman nila kung gaano ito kasipag magbasa ng mga libro kaya walang pagdududang pumasok sa utak nila.

“Anak…tumawag si Gng. Baston at ikaw daw ang magiging Valedictorian sa pagtatapos ng elementarya mo. I’m so proud of you Son!” Kahit anim na buwan pa ay ipina-alam na ng principal sa ina ni Ike. Nais kasi ng Principal na dagdagan ang nakukuhang binipisyo ng mga guro sa City Hall, yun ay ang tinatawag na Living Allowance. Noon ay P1,000 pa lamang ngunit ng madinig ni Mayor ang magandang balita sa anak ay dali-dali nitong inaprobahan na maging P1,500 ito. At ikinatuwa naman ito ng lahat na mga guro sa paaralan. Sana daw ay madami pang anak si Mayor!

“Pasensya na Glenda at James kung ako ang naging Valedictorian kahit alam ko na masmatalino kayo sa akin.” paghingi ng paumanhin ni Ike sa mga kaibigan dahil alam nya na hindi siya deserving para duon. Oo nga’t matalino siya pero sa lahat ng pagsusulit ay nakakalamang ang dalawa.

“Huwag mo intindihin ‘yun. Ok lang talaga at hindi mo din naman gusto ang pangyayari eh.” sabi ng dalawang bata

“Magkaka-ibigan tayong tatlo diba?” tanong ng malungkot na si Ike

“Syempre…ikaw pa!” sabay tawanan

“hindi tayo magkakahiwalay hangang sa high school at college!” pangako nila sa isat-isa

“Promise!” sabay-sabay ng hawakan ng kamay at halakhakan

Sa High School ay seryoso na ang pag-aaral ni Ike. Nakikipaglaban siya sa dalawa sa pataasan ng grades sa mga pagsusulit. Alam nya kasi na patapos na ang termino ng kanyang ama kaya kung ano man ang makuha niya sa pagtatapos na medalya ay dahil iyon sa pagsusumikap niya. Ipagmalaki man siya ng mga magulang ay taas noo niya itong tatanggapin. Hindi tulad noon na kay dami niyang naririnig na kesyo kaya siya ang napipili madalas sa kahit anong paligsahan ay dahil Mayor ang ama nito.

Mabilis tumakbo ang panahon at naging ganoon din ang bilis ng pagdami ng mga sintomas sa sakit ng ina ni Ike. May ilang gabi na naririnig niya ang ungol ng ina sa kwarto nito. Ayaw din kasing ipahalata sa kanya ang kalagayan ng Ina kaya’t madalas ay nagkukulong ito sa kwarto.

“Anak, aalis muna kami ng ina mo at duon muna kami sa Maynila ng ilang mga araw ha. Bahala na muna ang yaya mo tumingin sa ‘yo at darating din ang tiya Minda mo. Pinakiusapan ko na dumito muna.”

Madalas nga ay ang Tiya Minda na ang nag-aasikaso kay Ike. Ito ang kapatid ng ama niya na isang matandang dalaga. Tuwang-tuwa naman ito sa kanya kahit noong maliit pa siya. Mukhang guwapo at mukhang mabait ang parating sinasabi nito. Siya ang paborito nitong pamangkin at sinabi niya sa kuya niya na siya ang mag-aalaga at susubaybay hanggang sa paglaki nito. Naging pangalawang ina na niya ito.

“ Tiya kailan po  ba ang balik nila daddy at mommy? Diba nila nasabi po sa inyo?”

“Walang kasiguraduhan iyon dahil magpapagamot ang mommy mo.”

“Ano ba yung sakit na MS?”

“Wala pa naka-di-diskubre ng saktong dahilan kung saan at kung ano talaga iyon. Puro tiyorya pa lamang, iyun ang nabasa ko sa libro.”

“Sige nga po at maghahanap ako ng libro sa kuwarto ni daddy kasi noong isang araw ay may nakita akong medical books na binigay si Doc Suarez sa kanya.”

“Sige kunin mo nga ng magkaroon tayo ng malaking edeya kung ano ‘yon!” at mabilis na naghalungkat si Ike sa drawer ng ama

“Tiya heto po ang nakasulat at ang Etiology daw po ay unknown. Ano kaya yung etiology? Tapos ang theory po ay autoimmune daw… ano naman po kaya ibig sabihin noon? Napakaraming stages nito po, hanggang limang classification din. Hilo na po ako!” nahiga si Ike sa sofa at patuloy na nagbasa ngunit ‘di naman nito lubos makuha ang napakaraming terminolohiya na medikal.

“Sign and symptoms ay memmory loss, weakness, spasticity, numbness, blindness, irritability, psychological changes… ano ba ito at napakarami namang nakasulat na sakit pero ang nakikita ko lamang naman kay mommy ay ang panghihina nito at panga-nga-yayat. Hindi ko talaga maintindihan at baka masyado lang malubha ang pasyenteng nasa libro.Exagerated naman ata.”

Inabot ng kung ilang linggo ang Ina nito sa Maynila at ng bumalik ay nasa upuan na itong de gulong. Naninigas ang mga kalamnan at mapapansin ang sobrang pangangayayat ng katawan. “Akala ko ba ay magpapagamot ito ngunit bakit parang maslalong lumubha ang kanyang kalagayan.” Tanong niya sa kanyang sarili.

Nakatingin sa malayo ang Ina na parang ayaw siyang tingnan at hindi naman din magawang magtanong ng diretsahan ni Ike dahil sa magkakahalong emosyong nadarama. Kasiyahan sapagkat muli niyang makakasama ang magulang, lungkot ng makita ang kasalukuyang kalagayan ng ina na noong umalis ay nakangite at ngayon ay tulala na ito na parang hindi siya nakikita, at takot sa hindi maipaliwanag na sitwasyon at sa nababakas na pagkatuliro ng ama.

“Sige na Nurse at ipasok n’yo na siya sa kanyang kwarto. Pakisamahan mo nga Inday at ituro ang lahat ng kailangan nila.” Utos ni Mayor sa katulong at sa dalawang bagong Nurse ng Mommy niya

“Dad- – – dy ano nangyari kay Mommy?”  napapaluhang tanong niya

“Mamaya ko na ipapaliwanag anak at madami akong aasikasuhin.” tumalikod na ito at tinungo ang telepono saka isa-isang pinagtatawagan ang mga katrabaho ng ama at ang huli ay si Doctor Suarez

Sa higaan na lamang naratay ang Ina ni Ike. Hindi na ito makausap ng maayos. Nalaman na lamang niya ng mga sumunod na araw na ang dating dormant na sakit ng ina ay naging rapid-progressive. Ibig sabihin ay hindi na bumabalik sa normal bagkus ay mabilis na lumalala pa at nadadagdagan ang mga sintomas nito. Ang mga nabasa niya noon sa libro ay sunod-sunod na nakikita na niya sa Ina. Kumawala na ang atensyon ng Ina dahil naapektuhan na daw ng plaques ang frontal brain nito, yan ang narinig niyang paliwanag ni Doctor Suarez sa ama.

Kung walang pasok sa eskwela ay naglalagi na lamang si Ike sa kwarto kapiling ang ina nito. Pinagmamasdan ang patuloy na pamamayat na ina. May mga sandaling tinatawag ang pangalan niya ngunit kahit anong lapit niya dito ay hindi siya makilala. Kapag nakakaramdam ng sakit sa kalamnan ang ina ay pangalan ni Ike ang binabangit nito. May mga luhang pumapatak sa mata ng ina habang namimilipit sa kirot nanararamdaman. Agad tatawagin ni Ike ang Nurse at agad naman nitong i-ineksyunan ng pangpakalma at pampatulog upang ‘di na ito magsisigaw pa kundi’y malalagot sila kay Mayor.

Mabilis na lumipas ang panahon at isang taon na lamang ay graduation na muli ni Ike. Wala na sa posisyon ang ama nito bilang alkalde ng Sariaya kaya pihadong hindi na siya ang magiging Validectorian at isa pa sa kadahilanang hindi naman na niya napagbuti ang pag-aaral. Wala na ang konsentrasyon niya. Bibihira na ang tahimik na gabi sa bahay nila sapagkat halos gabi-gabi ay binabasag ang katahimikan sa panaghoy ng Ina. Hindi na yata sumasapat ang volume ng gamot na itinuturok sa braso ng Ina. “Bakit si Mommy pa? Bakit ang Mommy ko pa na isang ulirang Ina? Wala bang gamot o doktor na maa-aring makakatulong sa kanya?”  napakaraming katanungan ngunit walang makakasagot nito.

Papalapit na ang Graduation Day. Tulad noon ay alam na niya kung ano ang makukuha niyang medalya, ang First Honorable Mention. Itinawag ng Principal sa ama niya bilang paggalang pa din sa dating alkalde. Ang Tiyahin na lamang daw ang magsasabit ng parangal sa kanya.

“Mommy bukas ng umaga ay graduation day ko na at may medalya ulit ako…” pabulong na sabi ni Ike sa ina nito na nuon ay tulog na tulog ang bantay na Nurse sa sofa bed

“Unggghhh… a—ayaw ko na” ungol sa sakit ang sinagot ng ina at ilang kataga sa mahinang boses. Iyon naman talaga ang madalas nitong dinadaing

“alam ko mommy… pagod na pagod ka na…. tatlong taon ka na diyan… mamahinga ka na po mommy…. mamahinga ka na…. paalam”

Natapos ang graduation day ng alas dose ng tanghali…

Natapos na din ang paghihirap ng Ina ni Ike.

Natagpuan kina-umagahan na nabunot ang respirator sa ilong nito. Nabunot daw marahil dahil nalagot ang tali sa braso nito.

“Nakikiramay kami ni Glenda. Sanay matanggap mo agad ito at ng maging Okey ka na….” ang sabi ni James ng pumunta sa libing ng ina ni Ike

“Okey naman na ako” sagot nito at mababakas nga na mas ma-aliwalas na ang mukha nito kaysa noong naghihirap pa ang Ina.

“Kung kelangan mo kami ay andyan lang kami sa bahay Ike” pamamaalam sa kaibigan ni James

 “Salamat…kita na lamang tayo sa San Pablo…”

 

Itutuloy….

<ito na lamang po muna kasi di ko pa natatapos isulat at nasa brain ko pa lang lahat>

 

Doctors (a novel) Chapter 2- Glenda

Doctors

By: Dyeppri

 

 

“The worst thing about medicine is that one kind makes another necessary.”

 ~Elbert Hubbard

 

 

Chapter – 2     Glenda

 

 

“James ano ba ang lalaruin natin ngayon?”

 

“Doktor-doktor-ran at ako ang doktor at ikaw naman ang batang may sakit”

 

“Bakit ba palagi nalang ‘yan? Kakasawa na at ‘di naman ako sakitin eh!”

 

“Kasi paglaki ko gusto ko maging isang magaling na doktor”

 

“Bakit naman?”

 

“Hindi kasi inalagaan ni Doktor Suarez ang kapatid ko na si Jun-jun!”

pahikbing sabi ng batang lalaki

 

“Ikaw naman Glenda, ano gusto mo?”

 

“Eh, ah… hmmm… ‘di ko alam basta ang alam ko ay gusto kitang makasama at walang iwanan. Di ba promise mo ‘yun sa akin na walang iwanan?!” 

 

“OO at tatandaan ko po iyong promise natin sa isat-isa. Pero teka pwede naman yata maging dancer ka sa kabaret dyan sa ilaya kagaya ni Burlesa…hahahah!” tuksong sabi nito sa kaibigan kasi nga naman napakalambot ng katawan nito ng minsang sumayaw sa school

 

“sira-ulo! ayaw ko na sayo- – – ayaw ko na! pangit-baho-pangit” ganyan sila na away-bati. Nakakatuwang pagmasdan ang away ng mga bata.

 

Nag-iisang anak lamang si Glenda ng negosyanteng pamilya-Ty. OO, may dugong intsik nga si Glenda kaya mestisang maituturing. Kapansin-pansin naman iyon sa balat niya na kutis porselana sa kaputian disin nga lamang at hindi ito marunong mag-ayos. Kilos lalaki pa kamo. Lumaki kasi ito sa pabayang yaya at alam lamang ay bantayan siya upang hindi masugatan sa paglalaro ay sapat na iyon sa yaya nito.

 

Ang pamilya Ty ang may ari ng tatlong palapag na Century Mall sa bayan na inu-upahan naman ng ibat- ibang mga nagnenegosyo duon. Iyon na nga yata ang pinakamalaking Mall sa bayan ng Sariaya. Mabagal kasi ang pag-unlad ng bayan nila ngunit kabaligtaran naman ng tuloy-tuloy na pag-unlad ng kabuhayan ng pamilya Ty. Tuloy-tuloy lang sa pagtanggap ng bayad sa renta ang ginagawang trabaho ng ama ni Glenda sa maliit na opisina nito na matatagpuan sa  basement ng gusali.

 

Mabait talagang maituturing ang mga magulang ni Glenda. Kahit may dugong intsik at nakaka-angat ng estado sa buhay ay hindi sila epokrito. Mapapansin ito sa pagturing nila kay James bilang matalik na kaibigan ng anak na siguro’y sa kadahilanang galing din naman sa simpleng mga tao ang kanilang ikina-angat ng buhay.

 

Masipag mag-aral si Glenda kahit noong nasa elementarya pa lamang ito. Kung hindi rin lang kalaro ang kaibigang matalik ay wala itong ginagawa kundi mag-basa na halos mamemorya na ang buong libro. Walang sawa at walang tigil sa pag-babasa. Sa isip nya ay ayaw niyang papatalo kay James. Minsan kasi ay nagpataasan silang dalawa at sobrang tukso ang inabot niya mula sa kaibigan. Birong-tukso na tumanim sa murang isipan niya.

 

“Wala ka na ngang ginagawa sa bahay ninyo kundi kumain at matulog pero hindi mo pa din mataasan ang mga grades ko!” sinasabi ni James ng pabiro ngunit alam naman nitong masakit iyon pero sinabi parin niya para ayusin nito ang pag-aaral.

 

“Tingnan lang natin sa susunod kung sino ang mabobokya!”

 

Mga ilang araw na hindi nagpakita si Glenda sa kaibigan dahil sa pagkapahiya nito. Walang inatupag ito kundi ang magbasa ng mga libro niya. Halos tapusin nito ang mga pahina at sagutin lahat ng mga tanong sa exercises.

 

Nagkabati naman agad sila matapos lang ang ilang araw dahil ganoon lang naman ang tampuhan nila. Wala ng sorry-sorry, hindi na importante kung sino ang may mali o nasa tama. At hindi na namamalayan na nagtatawanan na muli ang mag-bestfriend.  Away-bata lamang talaga. Sabagay hindi naman nila kayang matiis ang isat-isa.

 

Kelangan nila sa oras ng mga na kalungkutan ang kalinga ng bawat isa. OO nga’t mga bata pa lamang sila pero marunong naman na silang maghanap ng atensyon at pagmamahal na hindi nagagawa ng kanilang mga magulang… Ang ama ni james ay parating lasing kung umuwi at ang asawa naman nito’y busy sa pagtitinda sa gulayan, ang magulang naman ni Glenda ay gayundin na walang oras sa kanya. May katulong at yaya naman daw ito kaya’t sapat na iyon. Masmahalaga daw ay naibibigay nito ang lahat ng mga pangangailan ng anak. Hindi alam ng kanilang mga magulang na sa kalooban ng dalawang bata ay may sama ng loob ang mga ito ngunit talagang mababait sila at marunong umintindi kayat’di na pinasin iyon.

 

Hindi nga nabigo si Glenda at naungusan nito sa Second Quarter si James. Ang huli ay nagka-average ng 96 at ang una ay 97.2 naman. Halos walang mali sa lahat ng test examinations ni Glenda. Hindi naman iyon ikinabahala ng lalaki sapagkat madami itong iniisip, mga problema sa pamilya nito tulad na madalas na pagtatalo ng ama’t ina. Samantalang si Grace ay parating solo lamang sa kwarto at may tagapag-timpla pa ng gatas kapag nag-aaral. Kung hindi niya bubuksan ang radyo o lalakasan ang boses niya sa pagme-memorya ng mga aralin ay nakakabingi ang katahimikan sa kanilang malaking bahay. Pinagbabawal kasi ng mga magulang  nito ang tsimisan sa loob ng mga katulong dahil malas daw ito sa negosyo.

 

Nang sumunod na taon ay ipinakilala sa klase nila ang batang mala-kastilain ang mukha, si Ike Bautista.

 

“Class quiet…. this is your new classmate. His name is Ike Bautista. The one and only SON OF OUR GOOD MAYOR” pakilala ng titser nila

 

Tahimik lamang si Ike ng mga sandaling iyon. Bakas sa mukha ang hiya sapagkat parati na lamang siyang iniu-ugnay sa ama nito. Siya ang anak ni Mayor…siya ang anak ni Mayor… parating ganyan. Nawawalan na siya ng sariling pangalan.

 

Duon ay agad napansin ni Glenda ang kalungkutang itinatago ni Ike kayat siya na mismo ang gumawa ng paraan upang maging kaibigan ito tutal naman ay kilala din ang pamilya Ty sa kanilang lugar. Magka level kung baga.

 

“Hi Ike!” bati niya ng may ngite “Ako si Glenda at ako ang president ng klase. Kung gusto mo dito ka na sa tabi ko maupo ng mapakilala kita mamaya sa lahat?

 

“Salamat” maiksing sagot nito

 

Mabait talaga si Glenda at marunong siyang makiramdam sa damdamin ng ibang tao kaya marami ang gusto siyang maging kaibigan at problema nga lamang ay masyado naging sarado sa ibang tao ang pakikipagkaibigan niya kay James. Sila lamang talagang dalawa marahil ay sa kadahilanang seloso silang pareho. Ayaw nilang nakikitang nakikipag-usap ang bawat isa sa ibang ka-klase kundi rin lamang ito tungkol sa pag-aaral nila. Nguni’t sa pagkakataong ito ay nararamdaman niyang makakasundo nila ang bagong kaklase. Magugustuhan din siguro siyang maging kaibigan ni James. Ang tanong nga lamang ay magustuhan kaya ni Ike si James gayong hindi ito matatawag na isang mayaman o may estado sa lipunan na kagaya nila.

 

Hindi naman nagkamali si Glenda at naging tatlo na silang magkakasama ngayon. Sa lahat ng oras at pagkakataon ay magkakasama sila. Pataasan sila ng mga grades kaya lalong sumipag siya sa pag-aaral. Bata pa ngunit marunong ng magpuyat sa pag-aaral. Madalas nga siyang mapagsabihan ng magulang kapag umuuwi ang mga ito sa madaling araw at gising pa siya. Tama na daw iyon dahil siya naman ang nangunguna sa klase dahil taon- taon ay siya ang first honor. Ngunit sa isip niya ay hindi pa sapat lalo’t andyan na si Ike na may katalinuhan din naman at nakakalamang pa dahil Mayor ang ama nito. Walang tigil ang mga project ni Mayor sa paaralan, pagpapatayo ng mga bagong silid aralan at pagpapaganda dito. Inisip na lamang niya na talagang trabaho naman iyon ng ama ni Ike kayat siya pa din ang alam niyang magiging valedictorian sa pagtatapos ng elementarya. Siya naman talaga dahil siya ang nangunguna at pumapangalawa pa nga si James, pangatlo lamang si Ike sa klase. Siya pa ang presidente at kay daming extra curricular activities na sinasalihan. Andyan ang Science at Math club tsaka Dance club pa niya.

 

Mabilis na natapos ang elementarya nila at bukas ay malalaman na kung sino ang sasabitan ng pinakamataas na parangal. Bulung-bulungan na ang mga mag-aaral kung sino. May nagsasabi na si Glenda daw dahil siya ang nakakuha ng apat na beses ng first honor award, may nagsasabi naman na si James dahil likas na matalino ito at siya ang nagpapanalo sa school nila sa laban sa Inter-school Quiz Bee Battle noong nakaraang taon, at may nagsasabi din na si Ike dahil sa Ama nito at mga proyektong walang tigil para sa paaralan.

 

Ang araw ng pagtatapos…

Isa-isang nagmartsa ang mga estudyante at tuwang-tuwa naman ang mga magulang. Maliban sa ama ni James na na-andoon din ngunit napansin agad ni Glenda na lasing nanaman ito kaya pala malungkot ang kaibigan.

Naka-amerkana naman ang Mayor nangmakita niya at walang tigil ang utos nito sa mga alalay niya upang kunan ng mga litrato ang anak. Bakas din sa mukaha ang pananabik ngunit tila alam na nito kung sino ang magiging valedictorian dahil sa dami ng mga inimbitahang manood na mga taga-suporta niya.

 

Tumayo ang Principal ng paaralan upang tawagin na ang mga sasabitan ng parangal.

 

“Our valedictorian for the Class of 1985 is… The SON of our Good MAYOR…

Ike Bautista…” palakpakan ang mga tagasuporta ni Mayor…hiyawan!

 

Sa pagkasabi ng mabilis ng mga katagang iyon ay magkasabay na tumayo si Ike at Glenda. Umaasa kasi si Glenda na siya ang makakakuha noon ngunit hindi…hindi pala siya. Hindi pangalan niya ang narinig niya. Napahiya siya.Tumulo ang mga luha na napansin ni James at agad napatayo din upang lapitan ang kaibigan para damayan.

 

Okey na din dahil kaibigan naman na nila si Ike. Pinanood na lamang nilang magkawak kamay si Ike na naglalakad ng nakayuko papunta sa nag-aantay na Mayor sa gitna ng entablado. Napakatagal nila duon. May limang minuto yata dahil sa patuloy na picture taking at video cam recording.

 

Naging Salutatorian si Glenda at First Honorable Mention naman si James.

 

Kanya-kanyang party na ang pinuntahan ng mga mag-aaral.

 

Sa High School ay magkakasama pa din silang tatlo. Kinalimutan na nila ang mga mapapait na nangyari noong graduation. Dito ay tuloy tuloy na ang dibdiban sa pagsusunog ng kilay upang makamit ang tunay na Valedictorian. Malapit na kasing matapos ang termino ni Mayor at kelangang mamahinga nito panandalian. ‘Yun ang batas ng COMELEC. Hangang tatlong term lamang. Pinagbuti ni Glenda ang pag-aaral na gaya ng dati o higit pa dito. Napansin niyang halos pantay pa din sila sa mga grades ni James. Tapos na kasi ang pagiging Lasenggo ng ama. Nagbago na siya ng mamatay ang asawa nito na si aling Marta. Pag-aaral na lamang ang inaasikaso ni James. Masaya si Glenda dahil nakikita na niyang madalas nakangite at maaliwalas na ang mukha ng kaibigan.

 

Samantalang si Ike ay hindi din papahuli. Masaya na din ito at tanggap na ang pagiging anino niya sa ama nito. Kadikit parati ang pangalan sa kanya. Ayos lang daw dahil dalawang taon na lamang naman sa serbisyo ito at malamang na ang tiyuhin niyang Vice-mayor ang papalit.

 

Patas ang labanan sa pag-aaral ang patuloy na nasa-isip ni Glenda. Tanggap naman niya na masmabilis talagang magmemorya si James. Unang libro pa lamang ang ni-re-review nila ay nasa pangalawa na si James ng minsang sa bahay niya ito nag-aral at inabot sila ng umaga. Antok na antok na siya ngunit titig na titig pa din sa libro ang kaibigan, walang kakurap-kurap ito! Duon nasabi niya sa sarili na “ siguradong siya na ang magiging valedictorian sa high school namin, masaya ako para sa kanya.” at tuluyan na siyang pumikit at nakatulog.

 

Mabilis ang mga pagpapalit ng araw at buwan. Puyatan sa araw at gabi.

Dumating muli ang pagtatapos ng High School Batch ngunit hindi tulad noong nasa elementarya pa sila na may suspense. Ngayon alam na alam na na si James ang Valedictorian na may general average na 98.3 at sumunod si Glenda na may 94.5 at pangatlo si Ike na mayroong 93.1. Malayo ang pagitan ng una kay Glenda at halos dikit lang naman sila ni Ike.

 

“Congrats Bestfriend and you really deserve this!” na abot tenga ang ngite ni Glenda ng abutin ang kamay ni James. Naghawak-kamay sila at wala ng bitawan hanggang sa pag-uwi nila sa bahay ni Glenda upang duon gawin ang party na bigay sa kanilang tatlo ng pamilya Ty at dating Mayor Bautista.

 

“Salamat…salamat Glenda…” tugon nito

“Hindi pa tapos ang laban natin at may kolehiyo pa bestfriend! babawi ako..hahahah”

 

Next Week ay ibang yugto ng pakikipagdimaan… digmaan ng utak sa kolehiyo ng pre-Med nila patungo sa pagiging ganap na manggagamot… ang matawag na doctor!

 

 

itutuloy….

 

Chapter- 3 Ike

Chapter 4 – (di pa alam eh)

Chapter 5 – (no idea pa…)

 

 

 

 

Doctors

By: Dyeppri

Doctors (a novel…)

 

 

 

 Doctors

by: Dyeppri

 

“To me the ideal doctor would be a man endowed with profound knowledge of life and of the soul, intuitively divining any suffering or disorder of whatever kind, and restoring peace by his mere presence.”  ~Henri Amiel

 

Chapter I- James

 

“Huhuhuh….Ma—marta huwag mo kaming iwan ng anak mo…di ko kaya!” hagulhol ng asawa nito at nakamasid lamang ang luhaang anak na si James na parang naiingit at sa isip nito na nagsasabi na mabuti pa siya…

 

 

Labing-apat na taong gulang pa lamang si James at nasa second year high school ng iwan siya ng kanyang butihing ina. Sa pisikal na itsura ay may angking ka-gwapuhan ito disin nga lamang at may pagka-kawayan ang tindig nito. Matangkad na payatot ngunit marami pa din naman ang nakakapansin sa mestisuhing itsura niya. Sabi nga ng mga kaklase niya ay sayang naman ang kagwapuhan at hindi nito madala pero kung sa pataasan ng grado naman sa eskwelahan ay hindi siya papahuli. Masipag siyang mag-aral at nina-nais talaga niya ang maging isang manggagamot. Ibig niyang maging Pediatrician sa kanilang lugar. May mabigat na dahilan siya dito. Pumapangatlo siya kay Ike at Glenda sa buong baytang nila sa paaralan.

 

Sina James, Ike at Glenda ay magkakaibigan na simula noong nasa Santa Barbara Elemetary School pa sila. Magkakaibigan ngunit magkakatunggali sa paaralan. Valedictorian si Ike nang sila ay magtapos. Sabi ng ilan ay nasuhulan daw ang Principal ng alkaldeng ama ni Ike. Ngunit sabi naman ni Ike ay tungkulin naman talaga ng Ama niya ang magpadagdag ng bagong gusali na ngayon ay tinaguriang Anex-Bautista. Sinunod sa apelyido ng alkalde at ni Ike ang Bautista.

 

Salutatorian naman si Glenda dahil sa sipag at tiyaga niya na buong oras ay ginugugol niya sa harap ng libro. Lumabo na nga ang mata niya kaya may salamin na siya. Sa sipag niya sa pagbabasa ay patuloy na tumaas ang grado niya at siya na ring pagtaas ng grado ng salamin niya na ngayon ay aabot na sa limang daan. May angkin ding kagandahan ito ngunit ikinunubli iyon ng makapal na salamin sa mukha niya at ng hindi nito pag-aayos o sobrang kasimplihan na ni ayaw malagyan ng kolorete sa mukha. Mas mahalaga daw sa kanya ang laman sa utak kaysa panglabas na kaanyuan.Kaya’t madalas tinutukso ito ng ina.

         

“Hoy, Glenda pakapal ng pakapal yang binabasa mong libro ah.” pagulat na sabi ni Mrs. Razon ang ina nito.

 at tila kakapal nanaman ulit ang salamin mo sa mata.” dagdag pa nito na nang-uuyam at hindi naman kinabahala ito ng binibini.

 

Si James naman ang pumangatlo at naging First Honorable Mention. Likas na matalino si James at kung hindi nga lamang sa pagkakahati ng oras niya sa pagtulong sa ina sa pagtratrabaho at pag-aaral ay malamang na siya ang naging Salutatorian. Isang pasada lamang niya sa kwaderno sa pagbasa ay kuhang-kuha na niya ang laman niyon. May photographic memmory nga daw siya. Alam naman ng mga magulang nito na may angking katalinuhan ang kanilang anak kaya’t kahit magkanda-kuba-kuba sila sa pagtratrabaho ay igagapang talaga nila ang pag-aaral ni James.

 

“Anak tama na iyang pag-aayos mo ng paninda natin at umuwi ka na. May exam ka pa bukas at mag-aalas diyes na.” utos ni aling Marta

 

“Nakapag-basa-basa naman na po ako kanina habang walang masyadong namimili dito sa ating gulayan eh.” pangangatwiran nito sa Ina sapagkat napapansin na niya ang pangangayayat nito at minsang paubo-ubo pa. Sobrang sipag kasi ng kanyang ina at walang ginawa ito kundi alagaan sila na madalas ay nakakalimutan na niya ang pagaasikaso sa sarili.

 

“O, s’ya sige at ako na lamang ang uuwi ng maaga dahil baka wala pang pagkain ang ama mo sa pag-uwi galing sa kung saan.” at naiinis na turan ni aling Marta sapagkat alam nito na pihadong lasing nanaman ang asawa.

 

Problema talaga ni James ang ama dahil kahit may pamilya na ay mahilig pa din sa pakikipag-barkada. Mabait naman si Mang Berto at may matinong trabaho ngunit hindi lamang nito maiwan-iwan ay ang beer at mga kabarkada. Sabagay ay hindi naman siya nagkukulang bilang asawa at ama. Nag-eentrega pa din siya ng sahod kahit minsan ay nababawasan nito kapag nakikita ang kanyang mga ka-tropa sa lasingan.

 

“Wala namang masama sa pakikipag-kaibigan Mar—ta ah! Hindi naman ako nagkukulang sa inyo!!! Hikkk…” ang parating katwiran nito kapag umu-uwing lasing at napagsasabihan ng butihing asawa.

 

Tama naman ang ama nito na buo ang pag-suporta sa kanila pati sa pag-aaral ni James at ang kulang nga lamang siguro ay kalinga sa kanila bilang ama sa kanya at bilang asawa na din sa ina nito.

 

Pinipilit na lamang tanggapin ni James na ganito na talaga ang ama niya at ibinubuhos na lamang niya ang atensyon sa pagtulong sa ina at sa pag-aaral. Tutal naman ay sa kanila pa din umu-uwi si Mang Berto kahit madalas na lasing pa ito.

 

“Kailan ka ba magbabago Berto. Huwag mong kalimutan andyan pa si James at papano kung ako naman ang mawala sa inyo, papano na kayo?” bulyaw ng ina sa lasing nanamang si Mang Berto.

 

“Dahil ako ang dahilan ng pagkawala ng panganay nating si Jun-jun! Ako…Ako! Dito lang sa alak na ito nalilimutan ko ang lahat ng pangyayari. Hik” sabay tulo ng luha nito at may pagsinok-sinok pa… at maya-maya ay nagsuka na sa sahig dulot ng sobrang kalasingan o sa isaw na pinulutan nila na nabili sa kanto. Malamang ay hindi masyadong nalinis ng tindera.

 

Naghihilik na si Mang Berto sa sofa sa sala at ang asawa naman ay dahan-dahang  pinupunasan ng basang tuwalya ang katawan nito upang maibsan ang sobrang kalasingan. Umi-iling-iling na lamang si Aling Marta sa nangyayari sa asawa. Hindi talaga matangap ni Mang Berto ang pagkamatay ni Jun-jun. Mahal na mahal niya ang panganay nila ngunit sinawing palad ito ng may sampung taon na ang nakakaraan. At muling nanumbalik sa kanyang ala-ala ang lahat ng pangyayari na pinipilit na rin niyang kalimutan.

 

May 10 taon na ang nakaraan ng tamaan ng malakas na bagyo ang Sariaya, Quezon. Ang bagyong si Syoning na may signal number 3 na ang naging sentro pa ay ang lugar nila. Binayo ng binayo ang kabahayan nila ng malakas na hangin at naging dahilan naman upang liparin ang kanilang bubungan. Ilang yero lamang ang natira sa bubong nila na naging pangkubli sa dalawang araw. Matapos ang bagyo ay kanya kanyang kumpuni ang mga tao at paglilinis sa bakuran.

 

“Wala namang gagawa nito Marta dahil busy ang lahat sa sariling kabahayan kaya’t ako na lamang aakyat sa bubungan, paki-abot mo na lamang ang mga pako at martilyo.”

 

Gayon nga ang ginawa ni Mang Berto. May ilang oras siya sa bubungan at pok-pok dito at pok-pok duon. Sobrang sipag nito at maituturing na ulirang ama.Naghahanda ng pananghalian ang asawa habang naglalaro sa ibaba si Jun-jun at nasa crib naman ang bunsong anak na si James.

 

Kalabog! Bog! Bog! Tumalsik sa kamay ni Mang Berto ang ulo ng martilyo at tumilapon sa iba-bang kinaroroonan ng mga bata. Nasapol ang ulo ni Jun-jun.

Nagulantang si Aling Marta sa kalabog na narinig at nakitang nakahandusay ang isang anak nito na duguan ang ulo.

 

“Berto….Be—rto! si Jun-jun…Huhuhuh…”  panaghoy ng ina

 

“Bilis! bilis, Marta at dalahin natin sa Lopez Hospital. Tawagin mo ang traysikel ni Igme.”

 

Ang Lopez Hospital ay may isang oras pa byahehin ng traysikel sa sira-sirang kalsada nito. Isa itong pribadong hospital sa bayan. Kulang man sa kagamitan ay walang magagawa kundi dito dalahin ang may sakit kasi ay nag-iisa lamang ito sa kanilang bayan.

 

“Nurse….Nu—rse…tulungan mo ang anak ko! Huhuhuh” maka-awa ni Mang Berto

 

“Limang-libo po ang dapat ninyong e-diposito sa cashier bago ko tawagin ang doctor.” sagot ng supladitang nurse

 

“Emergency ito!” malakas na sigaw ni Mang Berto

 

“Policy lang po ng Hospital ito o ako ang malalagot kay Doc.” padabog na sagot nito

 

“Asan ba si Doc at ako ang kakausap sa kanya? Please!”  pakiusap ni Mang Berto

 

“Nasa bahay pa po eh! Sige na nga po at tatawagan ko muna kung gising na s’ya. Ipagdasal n’yo na may operation siya ngayon ng mapilitang pumunta na din dito at makasabay na matingnan ang anak ninyo… Diyan kayo mag-antay sa waiting area. ”

 

Yapos-yapos ni mang Berto ang anak. Patuloy na hindi gumagalaw ang bata sa bisig ng ama. Basang-basa na ng dugo ang ulo nito. Tila nasa state of shock naman si Aling Marta. Tulala at patuloy na inuusal ang pagro-rosaryo. Nakatitig lamang naman si James na noon ay apat na taong gulang na wari’y naiintindihan na ang mga pangyayari sa pamilya niya.

 

 

“O, anong nangyari sa batang ito?” Tanong ng doctor

 

“Wala pa pong deposit Doc. Hindi ko pa po na-interview kasi mukhang wala na din namang pag-asa eh.” sabad ng Nurse at naka-ngise pa.

 

Siniyasat ng doctor ang kalagayan ng bata. Dilated na ang pupil nito at wala ng reaksyon sa munting ilaw ng flash light na itinapat sa mumunting mata. Tinusok-tusok ng pirdeble ang braso nito at walang reaction. Kinunan din ng blood pressure ang bata at rumihistro ay 90/50. Ibig sabihin mahina na ang tibok ng puso nito.Ganoon din ang heart beat sobrang baba ng bilang 45 bpm. Stage-I commatose ang bata kaya’t pailing-iling na lamang ang doctor habang nakatitig sa kanya ang nakangiseng Nurse. Bakas sa mukha ng doctor ang kawalang pag-asa para sa munting pasyente nito. Napansin agad iyon ni Mang Berto at tuluyan na itong napaluha sa sitwasyon ng pinakamamahal nitong anak.

 

“Sige…sige at ipasok na muna agad sa emergency room at baka tayo pa ang masisi dyan.” utos sa Nurse ng doctor

 

“Sige na po Sir at ako na po ang bahala. Ipapatawag ko na lamang kayo.” sabi ng doctor kay Mang Berto at dali-dali pumasok sa maliit na kwarto

 

“Kayo na po ang bahala Doc sa anak namin.” pahabol ni Mang Berto na nuon ay namumugto na ang mata sa kakaiyak nito

 

Apat na oras ang lumipas at wala pa din ang doktor kayat pinilit silipin ni Mang Berto ang siwang sa pagitan ng saradong pinto sa emergency room. Walang tao doon maliban sa isang kama na animo ay may nababalot sa puting kumot na isang maliit na katawan ng isang bata. Alam niya na malamang na si Jun-jun iyon kayat dagliang tinungo ang Nurse Station ng ospital.

 

“Nu—nurse asan po si doc? Asan ang anak ko? Huhuhuh” tanong ni aling Marta

 

“Ay, oo nga pala. Sandali po at tatawagan ko si doc sa mobile nya kasi po ay kanina pa naka-alis. Nagmamadali po kasi may-emergency din sa kabilang ospital at duon na nagdaan sa likod na pintuan kaya’t malamang ay hindi nyo na nakausap.” sagot ng nurse na naka-ngite na ngayon

 

“Hah!” wala ng nasagot pa si aling Marta at Mang Berto

 

“Sir si Doc po ang nasa kabilang linya ng telepono at kakausapin kayo.” ani ng Nurse

 

“Doc asan na po ang anak kong si Jun-jun? A–ano po nangyari?” tanong ni Mang Berto

 

“Pasensya na po Sir at nagmamadali ako kanina kasi ay may emergency dito sa kabilang ospital sa kabilang baryo… A—alam naman nyo po ang kalagayan ng anak nyo kanina at mahinang mahina na sya. Nang suriin ko po ay comatose na siya at nang isinasa-ayos na namin ang gagawing pag-operasa kanya ay sa kasamaang palad ay binawian na po siya ng buhay. Sorry Sir at wala na po ang anak nyo. Ipinag-utos ko na po ang paglilipat sa morgue sa kanya at makipag-ugnayan na lamang po kayo sa opisina at sa kahera ng ospital.”

 

Hindi maliwanag ang mga sinabi ng doctor kay Mang Berto. Humihingi siya ng paliwanag ngunit wala na siyang makuhang sagot sa hospital. Kung gusto daw niya ay sa korte na lamang siya magsampa ng akusa nito. Ngunit ano nga ba naman ang laban niya.

 

 

Simula ng mamatay ang panganay ni Mang Berto ay unti-unti na ang pagbabago nito. Madalas ay nakikitang umiinom ito mag-isa at kalaunan nga ay kasa-kasama na ang mga kaibigan sa lasingan. Nakikipagtunggali sa puyatan sa mga tambay sa kanto at hindi alintana na may pasok pa siya sa trabaho kinabukasan.

 

Nagpatuloy ang ganoong buhay nila.

 

Si Mang Berto ay sa pagtratrabaho at pakikipagbarkada,

 

Si James sa pag-aaral ng mabuti at pagtulong sa ina,

 

Si Aling Marta sa Pagtitinda at pagiging mabuting ina nito.

 

 

at dalawang taon pa ang lumipas…tulad ng ina-asahan patuloy na nang-hina at bumigay ang katawan ni Aling Marta. Ang ubo ay sinamahan pa ng mga lagnat sa gabi ngunit patuloy na ipinag-walang bahala…Ubo- Plema at Dugo — tubercullosis sa baga na umabot sa buto sa likod at sa utak nito — meningitis ang diagnosis

 

“Huhuhuh….Ma—marta huwag mo kaming iwan ng anak mo…di ko kaya!” hagulhol ng asawa nito at nakamasid lamang ang luhaang anak na si James.

 

“mag-bago ka na Berto. wa—la kang kasalanan at aksidente ang nangyari kay Jun-jun. Alagaan mo si James dahil siya man ay anak mo din na nangangailangan ng pagkalinga mo bilang ama. Huwag mo iyon kalilimutan.” mga huling habilin ng asawa bago tulyang nalagutan ng hininga

 

Sinunod naman ni Mang Berto ang huling tagubilin ng asawa at naging mabuti na itong ama sa anak nito. Pinagbuti na ang pagtratrabaho. Huli man daw ay ayos na din. Muli ay maituturing siyang ulirang ama na minsan na rin naman niyang nagawa. Itinaguyod nito ng mag-isa ang pagpapalaki sa anak at wala na siyang balak mag-asawa pang muli. Tutuparin niya ang huling habilin ng asawa at mga pangarap ni James.

 

“Anak ano ba ang kukunin mo sa kolehiyo?” tanong ni Mang Berto bago sinabitan ng medalya si James at natamo nito ang pinakamataas na parangal sa pagtatapos ng High School bilang Valedictorian.

 

“ Itay pwede po ba na PT ang kunin ko bilang pre-med?” tanong ni James sa mahinang boses dahil takot na baka ‘di pumayag ang ama nito

 

“OO naman anak. Ikaw ang bahala at igagapang natin ang pag-aaral mo.”

 

“Siguro naman po ay makaka-kuha ako ng scholarship. Susubukan ko po, kasi may ibibigay na pagsusulit sa San Pablo Medical College sa susunod na buwan .” nakangiteng sabi ni james na mababakas ang sobrang kaligayahan sa pagpayag ng ama nito.

 

May 500 mag-aaral ang kumuha ng pag-susulit para sa scholarship ng Pre-Medicine at 10 ang makakakuha ng full scholarship, 10 din na estudyante sa 50% discount at 20 naman para sa 30% discount sa tution fee. Lahat ng 40 students ay tutuloy sa dorm na talagang inilaan para makapag-concentrate sa pag-aaral ang mga estudyante. Bawal ang working student at isang linggo lamang sa isang taon pwedeng umuwi sa bayan nila ang mag-aaral dito. May kontrata sila sa mga alituntunin ng paaralan. Kasama na dito ang pakikipag-relasyon ay hindi pinahihintulutan at dagdag pa na bawal din ang ano mang bisyo tulad ng sigarilyo, alak at sugal. May nakatokang gwardya sa mga estudyante sa dorm na nagbabantay sa mga kilos nila at ang minsang mahuli ay maa-aring mapatalsik sa paaralan. Maganda ang programa nito ngunit mahigpit talaga dahil kelangang mapanatili ang pinakamatataas na grado. Hindi dapat bumaba ng 1.5 ang bawat grade sa subject o katumbas ng 93.3%.

 

Duon sa San Pablo Medical College muling nagkita-kita ang magkakabarkada na sina James, Ike at Glenda pagkatapos ng pagsusulit.  Nag top duon sa listahan si Glenda dahil isang buwan niya itong pinaghandaan. Araw at gabi siyang nag-aaral dahil alam niyang magkakatunggali nanaman silang tatlo duon. Pumangalawa ay ang pangalang Edgardo, isa rin na valedictorian sa Calamba High School; pangatlo ay ang pangalang Noel na walang nakakaalam kung saan galing na school at pang-apat lamang si James samantalang pang sampo naman si Ike. Malamang ay walang palakasan dito dahil galing din sa maimpluwensyang angkan ang ilang kumuha ng pagsusulit ngunit hindi pinalad na makasama sa listahan. Utak lamang talaga ang labanan. Paramihan ng fully functionals na mga neuronsn at talas ng memmory.

 

“Ayos at nakapasa tayong tatlo sa scholarship! Ayos!” sabi ni Ike na tuwang-tuwa

 

“Magtigil Ka nga dyan at kaya mo naman magbayad eh dahil alkalde ang ama mo” sagot ni James at napangise lamang si Glenda dahil may kaya din naman sila

 

Physical Therapy at Nursing ang napiling Pre-med Course nang 40 applicants. Sa application kasi ay nilalagay ang first, second at third choice na kurso. Kasama pa sa pinagpipilian ay Nutrition, Biology, Psychology, Medical Technician, Radiology, Respiratory Therapy at Occupational Therapy. Ang dalawang pinakamarami ang matitira dito na magiging choices ng lahat. Ngunit sa talaan ay 35 estudyante na ang napili ay PT dahil sa ibat-ibang dahilan. Ang iba ay nagsasabi na maganda itong panimula sa Medicine dahil tinatalakay nito ang ibat-ibang sakit hindi tulad ng Nursing na fundamentals lamang ng patient care ang malaking bahagi ng pag-aaral. Samantalang ang PT ay minsan pwe-pwedeng maging independente kung wala pa ang doctor. Pwede silang mag bigay ng pansamantalang diagnosis sa unang tingin pa lamang at magbigay na ng agarang pa-unang lunas. Medyo may kalayaan ika nga sa batas ng Science. Limang taon nga lamang ang kanilang bubunuin dito.

 

“Paano mga school mates at kita-kits na lang ulit next week sa bagong life natin!” paalam ni Ike na hindi maipinta ang mga ngite sa mukha nito at sinusundo ng ama dahil tutungo daw sila ng Maynila para mag-celebrate.

 

“Sabay na tayo James umuwi ha kasi wala naman akong sundo eh. Hindi ko alam ang sakayan ng bus dito pabalik sa atin.”  magkahawak kamay ang magkaibigan na tinahak ang pabalik ng Sariaya sakay ng bus.

 

May kakaibang pintig sa kanilang mga puso ng mga sandaling iyon ngunit may mas importanteng bagay pa silang dapat harapin, hindi ang kanilang nararamdaman… hindi dapat…hindi pa sa ngayon.

 

Alam ni James na may pag-hanga na siya sa kaibigang babae simula’t simula pa ngunit hindi niya iyon pinag-ukulan ng pansin dahil sa kakulangan ng oras niya. Sa sarili nga niya ay kulang pa. Kaya papano pa niya magagawang magmahal ng iba. Ayaw niyang saktan ang dalaga at ayaw din niya masira ang kanilang samahan. Takot at pangamba sa tuwing iisipin niya ang mga bagay na iyon. Ang mas importante sa kanya ay ang samahan nilang tatlo na binuo at pinatibay na ng mahabang panahon.

 

“Wala namang nanliligaw kay Glenda at ako lamang siguro ang nakakapansin sa magandang mukha nito lalo na kapag nasabahay niya kami at tinatanggal ang makapal na salamin nito upang magcontact lens lamang. Napakaganda talaga niya disin nga lamang at walang balak mag-ayos.” sinasabi ni James sa sarili habang nakahiga at nangangarap ng gising. Kay lakas ng kompiyansa nito sa sarili at papano kung may nakapansin kaya nito, papano kung si Ike kaya ay may ikinukubli ding pagtatangi sa dalaga? “Wala naman siguro.” sa isip-isip niya upang maibsan ang takot na nadama kung magkagayon nga. “Bahala na! Patay kang bata ka James… patay ka” bago tuluyang nakatulog.

 

Pagtulog at pagla-lakwatsa ang ginawa ni James ng ilang araw dahil pihadong sa susunod na linggo ay tapos na ang maliligayang araw niya. Baka iyon na ang huling sandali na matutulog sila ng hihigit sa 8 oras. Bagong buhay na ang haharapin nilang tatlo. Ibang kabanata na ang susunod nito…

 

 

 

itutuloy…

 

Chapter 2 – Glenda

Chapter 3 – Ike

Chapter 4 –

Chapter 5 –

 

 

nagpapakalalaki… (a short story)

Iba ang Lalaki sa Nagpapakalalaki…

 

“Samahan mo ako kay Mang Lando at magpapakalasing tayo Tasyo?” Pangungulit ko sa kaibigan ko dahil sobrang masama talaga ang loob ko. Mahirap talaga ang mabasted ng pinakamamahal. Jeff mabait ka, may itsura rin naman at matalino pero hindi yung tipo mo ang gusto ko, ang hindi ko malilimutang tinuran ni Ana sa akin. Apat na buwan ko siyang niligawan ngunit pinaasa niya lang pala ako…Sheet siya, talagang hindi na yata ako masasanay sa ganitong eksena. Pang-apat ko na kayang karanasan ito. Ang una ay okey lang at pangalawa ay medyo pa rin ngunit kung masusundan pa ng pangatlong pagkabigo ay hindi na siguro ito tama at hindi ko na mapapayagan pa ito.

 

“Hindi mo naman iyun kawalan Jeff, marami pang iba diyan. Siguro ay may dapat kalang baguhin. Mag-iba ka kaya ng pagkatao kasi medyo baduy ka eh.Hehehe!”  pang-aasar pa niya

 

Medyo baduy nga ‘ata ako. Ngunit papano ba ang maging-in. Hindi pa ba sapat ang ginawang pagpapalaki ng mga magulang ko?  Kulang ba ang ginawa nilang pagbibihis sa pagkatao ko? T-shirt na may collar at parating nakasuksok sa pantalong baston at hapit na hapit sa hita ko, balat na sapatos upang maging desente, maiksing buhok na babagay sa simpleng pagkatao at madalas pa ay hahagurin ng pamada ito, pabango ni itay ang ibubuhos sa buong katawan pati na sa dala kong puting panyo na upang maiwasan ang pagtulo ng pawis sa tuwing haharap sa nililiyag.

 

“Papano ba Tasyo ang tamang paraan sa sinasabi mong pagbabago sa akin, dito na ako na sanay sa ganitong pagkatao, ito na ako eh? tanong ko sa seryosong mukha

 

“Madali lang iyan, magpakalalaki ka tulad ni Johny?”

 

Iyon lang ang eh lalaki naman ako ah! Sinong may sabing bading ako ang nasabi sa sarili ko…“Si Johny, yung anak ni Aling Bebang na Japayuki?” at naikumpara ko ang sarili ko sa kanya.

 

Si Johny ay tatlong beses na inulit ang first year namin ngunit tatlong beses din nagpalit-palit ng nobya, parating late kung pumasok sa eskwela at hindi nahihiya kahit pinapatayo sa harapan kahit walang maisagot sa titser namin ngunit ninanais pa rin ito ni Ana sapagkat kitang-kita daw niya ang crush niya, samantalang ako ay parating nakaupo sa klase at ayaw ng tawagin ni titser kahit nangangawit na ang kili-kili ko sa pagtaas-taas ng kamay upang sumagot sa pisara. Minsan kinausap ko si Miss Tapya kung bakit ganun at sabi niya ay punyeta daw ako at masyadong atribida sa klase. Iba din ang pisikal na anyo sa akin ni Johny, mukhang hindi siya naligo ng isang taon pero nangm mapadaan naman siya sa harap ko ay mabango naman siya. Baka iba lamang ang tatak ng pabango niya, yung galing sa Japan. Makapal din ang apog niya samantalang ako ay kimi at kay titser lamang hindi nakakadama ng kaba, marahil ay sanay na akong pinapaglecture niya sa klase kung absent ang adviser namin.

 

“Medyo lasing na ako Jeff kaya tara at duon na tayo sa inyo ng makapag-ensayo sa gagawin mong pagbabago.”

 

Lahat ng kelangan kong parapernalyas ay binili na namin muna sa bayan bago tuluyang umuwi sa amin. Naligo rin muna ako ng isang oras pagkarating upang mahimasmasan na din.Inabutan ko ang kaibigan kong humilik na ng matapos ako sa panliligo. Sunud-sunurin ba naman ang pagtungga niya sa beer na akala mo’y mauubusan, sinamantala ni loko ang panglilibre ko.

 

“Handa na ako Tonyo, bangon na,” at hinila ko siya pabagsak sa kama  na siyang ikinagising ng kanyang ulirat. “O anong uunahin ko?”

 

Sinuot ko ang damit na galing sa kuya niya.Isang itim na polo na may imahe ng isang dragon na animo’y lalamunin ang isang kaaway,  kupas at butas-butas na 505 Levis at sadyang ginawang maluwag sa hita hanggang sa binti, addidas na pangbasketbol ‘ata, malaking panyo na iginapos niya sa ulo ko,  saka hinagod niya ang buhok ko ng wet look gel na Gatsby.

 

“Magpapabango lang muna ako, ” pahabol ko

 

“Huwag na, naligo ka naman diba at nagsabon? Okey na ‘yun. Deodorant ka na lang upang hindi pagpawisan kapag nakaharap mo na si Anna.”

 

“Hah…” haharap ako kay Anna sa ganitong itsura na animo’y napakabaho. Kaya ko ba ito?

 

“Kayanin mo at magpakalalaki ka nga, kung mahal mo ay kakayanin mo iyan! Hindi ka lamang sanay sa ganyang itsura. 1990 na ano at ang ayos mo noon ay 80’s pa, baduy ka talaga. Tingnan natin kung sino ang maghahabol ngayon sa itsura mong iyan, kahit si Anna Roces ay baka ma-in love  pa sa’yo.” Pailing-iling pa niyang tinuran at nagbigay ng konting lakas sa nanlalamig kong katauhan.

 

Makailang beses ko munang tinitigan ang sarili ko sa harap ng salamin at nagtatanong na ganito na ba ang porma ng kagaya kong teen-ager? saka tuluyan kaming lumabas at tumungo sa plaza. Alas siyete na ng gabi ng sapitin namin ang lugar at alam namin na ang barkada ni Anna ay mahilig sa Disco. Susubukan namin kung anong reaksyon nila sa bagong ako.

 

“J—eff  andyan na sila at swerte mo naman…kasama pa nila ang crush mo!”

 

“Si A-an—na,” at nanginig yata ang buo kong katawan at pilit na pinapa-relax ito sa pag-iisip ng kung ano-ano tulad ng kunyari ay isa lamang itong recitation sa harapan ni Miss Tapya. Kitang-kita ko na nangunguna sa paglalakad sa grupo niya si Anna…papalapit ng papalapit sa akin. Tumindig lang ako sa may pintuan at inaantay ang susunod na mangyayari dahil sigurado namang hindi siya makakalagpas dahil nakaharang ako sa makipot na pintuang bubog ng disco house…at

 

“Je—ffrey ikaw ba yan?!” mukhang nahirapan siyang kilalanin ako na animo’y isang payaso na nagsuot ng maskara. “OO nga, tara-tara duon tayo sa loob at wala naman akong ka-date eh,”  hinila na niya ang aking kamay at hindi na niya inantay pa marinig ang aking kasagutan.

 

Nakakapagod ang makipagsayawan sa tropa ni Anna. Ganito pala ang magpakalalaki at nakakapagod ang nasabi ko sa aking sarili…

 

Pulang-pula

Mabilisan lamang ang paglilipat ng mga pahina sa makapal na koleksyon ng mga pinagpira-pirasong larawan ng kalamnan sa libro ng anatomy upang bumalik sa pagkakahawak ng kanilang mga kamay. Sapat na ang paghahawak-kamay at minsanang paghaplos sa braso upang ipadama niya kay Luisa ang wagas nitong pagmamahal, ang pagpaparamdam ng pag-aaruga at pag-aalala niya rito. Ang pagpaparamdam ng init ng kanyang pagmamahal sa sinisinta.

 

Krrrrring….Kringgggg…..

 

 

Napitlag siya at muntik ng ikahulog sa makipot na pinagpatong na higaang bakal.Nakabibingi ang ingay ng alarma ang nagpabalik sa tumatakas na kamalayan  at ang  reyalidad na kailanman ay sa panaginip lamang niya kayang muling makuha ang puso ni Luisa kay Ralph.

 

Mabilis niyang dinukwang ang orasan sa  walang humpay nitong pagpapaalaala ng oras na niya sa paggamit sa paliguan. Kung hindi nga lamang may susunod pa sa kanya duon  ay muli niyang babalikan ang kay sarap niyang panaginip.

 

Kinusot ang mata.Kinapa ng mga daliri ang mga natuyong luha at pinitik sa kawalan. Sinubukang suntok-suntukin ang hangin na dahilan upang maglagutukan ang mga buto sa siko at balikat saka tumayo at inabot ang nanlilimahid na labakara na ilang linggo na yatang hindi na lalabhan. Hilo-hilo pa yata siya dala ng kalasingan sa alak habang nangunguyapit pababa sa hagdanan.

 

Ang malamig na tubig na nagmumula sa shower ang tuluyang gumising sa kanya at nagpaalaala na may mahaba silang pagsusulit ngayon. Dali-dali siyang nagbanlaw kahit ulo pa lamang ang nasisimulang sabunan. Patakbong bumalik sa kwarto at isa-isang hinila ang yuniporme na animoy pinagbahayan ng mga uod sa pagkakagusot-gusot nito. Bahagyang hinagod ng palad at sinabi sa sarili na, okey na ‘ yan at magugusot din naman.

 

Pilit pinagkasya ang mga librong inaamag na yata sa taguan, ang ilan dito ay tila naging patungan na lamang ng ashtray sa tuwing sila’y mag-iinuman.Kailangan niyang dalahin ang mga ito dahil kailangang kahit papano ay mapasadahan ng mga mata ang bawat pahina. Ayaw niyang maulit pa ang nangyari nuon na nanghuhula na nga ay wala pa ring maisagot na hula. Binabalak niyang dumaan sa library pagkatapos ng BioChem niya. Parang nais na niyang may mabago sa kanyang sarili.

 

Putcha. Recitation pa ang inabot niya. Isang oras siyang nakatayo dahil wala siyang mailatag na tamang kasagutan sa bawat tanong na ipinupukol sa kanya.Halakhakan.Tawanan. Sabagay sanay naman na siya sa ganoong eksena at sanay na rin sila sa kanya.

 

Dumiretso siya sa silid aklatan pagkatapos ng klase, pagkatapos mapahiya ng isang oras sa buong klase. Binitbit sa sarili ang pag-asang kaya niyang baguhin ang lahat kung gugustuhin niya.

 

Hindi na niya nagawang tumingin pa sa paligid dahil ayaw niyang may mapagmasdan na baka mayroong pumansin sa kanya kung anong gagawin ng tulad niya roon na bilyaran ang alam na tambayan kapag bakante ang oras. Umupo siya sa sulok at nagsimulang magkubli sa makapal na libro ng anatomy. Inisa-isa ang bawat larawan, ang bawat detalye at pangalan ng katawagan nito.Binigkas ng mahina ang bawat salita na siya lamang ang nakakarinig. Pilit ipinasok sa memorya.

 

Napahinto siya sa pagbabasa ng mapansin ang naghahagikhikan sa tapat na mesa. Hindi dahil sa ingay siya naistorbo, kung tutuusin ay mahina lang naman ang mga ito bagkus ay dahil sa kilalang-kilala niya kung kanino nanggagaling ang mga pagtawang ito. Mga pagtawang matagal na niyang ninanais na siya ang magbibigay ng dahilan. Ang pangarap niya na sana ay siya ang dahilan ng lahat ng ikinasasaya ni  Luisa. Siya ang magpapaligaya dito.

 

Dahan-dahan niyang binaba ang libro at sinilip ang mga nangyayari. Bakit ba mas ninanais pa ng mga taong nagmamahal na tingnan pa ang mga bagay na alam na alam  naman niyang magbibigay sakit sa kanya? Parang sinusunog siya habang pinapanood ang paglalambingan nila.Ang pagmamahalan nila. Ang kasiyahan nila.Dapat daw ay tanggapin na lamang niya na hindi na sila at maging masaya na siya na makita si Luisa na masaya na. Papano ka ba magiging masaya kung alam mong ang taong mahal mo ay mas masaya na sa piling ng iba.

 

Naalala niya ang naputol na panaginip niya kanina. Ang mga pagngite at matipid na pagtawa ni Luisa. Mga nakakatunaw sa pusong paglalambing nito.At Iyong-iyon ang panaginip niya kania,  ‘yun nga lamang ay si Ralph ang kasama nito ngayon at hindi siya.

 

Tumayo siya.Hindi na niya kaya ang nakikita nito sa kanyang harapan at dali-daling tumalikod at lumakad papalabas ng silid aklatan. Hindi na niya kaya pang balikan ang mga naiwang pahina sa  makapal na libro. Hindi na niya kayang basahin muli ang mga ito.

 

Muli ay naging blangko ang mga sagot na nais niya sanang ihula sa mga katanungan sa pagsusulit. Walang ideyang lumabas sa utak niya. Wala siyang maisip kundi ang mga nakita kanina kung bakit gaoon ang nangyari. Sana ay siya ang nagpapasaysa sa mahal niya. Sana ay masaya din siya. Sana ay mayroon pa siyang mapagpipilian upang masagot ng tama kung papano mangyayari muli ang mga ito.Ngunit wala.Blangko din.

 

Muli ang mga aklat ay isa-isang sisiksik sa taguan, ang iba ay muling magiging patungan ng ashtray sa inuman. Mababasa` at muling matutuyo ang mga ito mula sa natatapong serbesa.Baka sa susunod na semestre ay magtatangka na muling mabasa ng may-ari kapag nakapagdesisyon na siya na tapusin ang kursong napili o baka hindi na at magsawa na siya sa ganoo’t – ganoong istorya ng buhay niya. Ang muli’t muling mamarkahan ng tumataginting na singkong pulang-pula.

 

Banggaan ng Dyip

 

Kaylakas ng banggaan

ng dalawang dyip

nakakabingi ang hiyawan

hindi malaman kung sino

ang sumalubong

 

sino kaya ang

tunay na may kasalanan

 

parang away naming mag-asawa

nang magkabanggaan

ang init ng aming mga ulo

at magsalubong ang galit

 

…na matagal ng pinagtitimpian

 

mabuti pa sila

at nang dumating

ang mamang pulis ay

mabilis ang naging ngitian

 

ngunit sa amin ay

wala ng paraan

nagtuloy-tuloy na ang isnaban

magkasalubungan man sa daan

 

patuloy na magbabanggaan

patuloy na magbabangayan

Maalala mo kaya…

Maalaala mo kaya…

 

Isa ito po sa nakalap naming liham sa isang binata na halos pasan na ang daigdig sa sityo butanding sa bayan ng camarines Sur.

 

Dear Ate Charon,

          Bago po ang lahat ay luma na ang palabas ninyo Ate Charon pero alam ko po na marami parin kayong tagasubaybay, nais ko po kayong batiin ng maligayang araw o gabi kung gabi nga ninyo ito babasahin at kayo na po ang bahala…

          Lumiham po ako dito sa programa ninyo Ate Charon kasi po ay ayaw nyo naman akong kausapin noon at marahil ay sa kadahilanang isnabero kayo sa personal. Noong makita ko kayo sa bayan namin ay kahit isang ngite ay hindi ninyo ako natapunan bagkos ay isang tasa ng kape ang naitapon ninyo sa mukha ko ng hindi sinasadya. Sana kasi Ate Charon ay dumungaw muna kayo sa fans nyo bago nyo ginawa ang bagay na ‘yun. Pero tapos na po iyon at madali naman ako magpatawad at isa pa ay mukhang mamahalin naman yung kape na para bang capuchinno pa iyon sa starbucks. Mahal po ba iyon Ate Charon? Sa susunod po ulit ha ay tapunan ninyo ako pero isang kahilingan lang po sana… yung ice cold coffee naman po kasi napaso po sa mukha dahil kumukulo pa ata yung tinapon ninyo eh! At mabalik tayo po sa totoong pakay ng liham ko…may mabigat po akong suliranin ngayon at alam ko po na kayo lamang ang makakatulong sa akin. Sana matulungan nyo po ako dahil hindi ko na kaya ito tsaka matagal na po akong tagasubaybay ng programa ninyong “Malilimot mo Kaya” mga two two na po kasi hindi naman arawan ito at weekly lamang…

          Napakabigat po ng una kong problema Ate Charon…matatawag po ako na nakakaangat sa iba at may sariling mga pag-aari. Isa po akong tao na may mataas na estado na kinalalagyan at tinitingala po ng lahat ng nakakakita sa akin at  ang dahilan po ng lahat ng mga bagay na ito ay iisa lamang ang — Tree House na tinitirahan ko po. Napakataas po nito at nasa dulo noong puno ng niyog. Lahat na yata ng makakakita sa kalagayan ko ay parang naiingit sa akin at halos tingalain na ako. Dito po nagsimula ang lahat ng aking problema Ate Charon… wala pong gustong makipagkaibigan sa akin dahil mahirap daw ako dalawin. Kung tunay naman po silang kaibigan ay magagawa nilang lahat ‘di po ba?! Hindi pa po iyan ang problema Ate Charon kasi po balewala naman sa akin ang ibang tao dahil lonner naman talaga akong maituturing…ang problema ko po ay napakabigat na pasanin ang aking dala-dala at nakaatang sa balikat ko- – – ang two door fridge at kung papano ko ito mae-aakyat sa taas ng bahay ko. Ate Charon pakitulungan naman nyo po ako…

            Ginawan ko na po ng paraan ang una kong problema. Bumili ako ng bagong bahay. Maganda po ito at napakamura lamang ngunit nagkaroon po ng isang problema…hindi binigay ng dating may-ari ang address nito at wala daw sa kontrata na kasama sa bahay ang address. Hindi po naiwasan na pumunta ako sa malayo para maggrocery isang araw…at hindi ko na natagpuan muli ang bago kong bahay. Gusto ko po sanang ipanawagan pero kahit ako ay hindi ko alam ang address niyon.

            Nagbalik ako sa dati kong bahay…ang tree house ate Charon. Duon muling bumalik ang isa-isa kong pagsubok tulad ng pag-iigib ng tubig sa ilog, pagsasampay ng labada at palagi ang pagpunta sa tindahan. Lahat ng iyan ay tinitiis ko Ate Charon sa kasalukuyan. Dagdag pa rito ay ang masasamang ugali ng mga tao sa bayan. Kahapon po ay bumili ako ng shampoo at niloko ako. Binigay po sa akin ay hindi bumubula. Naubos ko na po ang isang bote ay wala pa ring bula sa tuyong buhok ko kasi po ay “for normal dry hair” daw po iyon. Sinunod ko naman po at hindi ako nagbasa. Matipid pa nga po sana sa tubig ate Charon pero peke pala.Napeke ako!

          Pangalaw ko pong problema ay ang paghahanap ko sa magulang ko. Tinapon po kasi ako nila noong ako’y sanggol pa lamang na parang isang pusa. Apat na buwan po ako noon at tandang-tanda ko pa ng dalahin ako ng aking ama sa kabilang bayan para iligaw. Kahit mahirap po para sa akin ay ginapang ko ang pabalik sa amin ng isang buwan. Gulat na gulat sila kung papano raw ko nagawang makagapang. Hindi sila tumigil Ate Charon sa pagliligaw sa akin at parati rin naman ako nakakabalik ngunit minsan ay ako ay nagsawa na kaya’t binaliktad ko ang sando ko. ‘Yun ang naging dahilan upang tuluyan na akong maligaw Ate Charon. Baka sakaling mapanood nila ako ngayon at makilala ay maaari na siguro nila akong matanggap Ate Charon at kung mangyayari ito ay matatapos na lahat ng paghihirap ko na magiging paghihirap mo na rin Ate Charon dahil tutulungan mo nga ako sa pag-akyat sa two door ref ko. Maaari na sigurong ang ama ko na lamang ang magpasan nito.

          Hanggang dito na lamang po ang liham ko ate Charon. Umaasa ako sa mabilisang kalutasan nito dahil malapit ng umulan at baka masira pa ang refrigerator ko. Salamat po…

                                                                   Lubos na umaasa,

                                                                             Tado

 

Dear Tado,

          Tarantado ka din naman ano at dinamay mo pa ako sa mabigat na problema mo. Sabagay ay nasa himpapawid ako at marami ang nanonood ng programa kong ito kaya ikaw ay siguradong tutulungan ko. Teka, bakit hindi na lamang natin ibaba ang house mo at imbes na tree house ay house tree….solve lahat ito diba?! Malaking pagbabago lamang ito sa buhay mo dahil wala ng titingala sayo pero madali munang magagawang makipagkapwa tao.

          Ako lamang naman ito si Ate Charon at bahala ka kung tatanggapin mo!

                                                                   Nagmamahal,

                                                                      Ate Charon

 

Malilimot mo kaya

Ang Sumpa mo sa akin

At ang lahat ay hindi magmamaliw….