Iyak at Hagulhol ang Sagot sa Hampas ng Yantok

Pag-iyak ng paslit sagot sa hampas ng yantok

Saksi lamang ay luha at pagkahabag

Baluktot na kawayan ay hinuhubog simulat-simula pa

Nagmamasid lamang ang lasing nitong Ama.

 

Nakakabingi ang halakhak sa bukas na bintana

Kasabay sa tilaok ng manok na may usok na binubuga

Ngunit para yumabong nga’t mamunga ang matamis na mangga

Umulan ma’t bumagyo ang katig ay matigas pa sa bato

 

Ngayon nga ay iba na ang taga-hulma

Ang makapal na kamay na ang syang nagpapaikot

Kailangang painitan ang bakal upang maging malambot

Hindi lahat ng kumikinang ay ginto ang  wika ng ina.

 

Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa

Pangaral ay ini-ipon lahat sa isang kahon

Ngayong ako’y nasa bangka tungo sa kabilang panahon

Iiwan ko na lamang sabay pikit sa aking kahapon…

Mga Tula ng Lumuluwag na turnilyo #1

turnilyo3a

semen’to

Semen‘to

 

Ang agos sa tunggalian sa entablado

tumatalon ang mithiin at pakisyaw-kisyaw

Na kumakawala sa kaibuturan ng pagkatao

ang matagal ng ikinukubling pagkauhaw

 

Ang dalang bangong dumidikit sa isipan

ay tila naglalawa na pwedeng ikamatay

Bumabalik ang matagal ng kinalimutan

isang daktang bahid sa habangbuhay.

 

Nawawala man ang ulirat gabi-gabi

ay duon malayang nakakaniig ang tala

At ang likot ng dila ay kayang masabi

bago pa man manumbalik ang  hinuha.

 

Magkaibang direksyon man ang paglangoy

natin sa kasalukayan; dulo nito ang katuparan

Sapat na ang minsang ika’y nagpatuloy

at sementong gagawin kong kanlungan.

 

Mga naging kasama dati sa paglalakbay

sa kanila isisigaw ang ating naging tagumapay

 

sa kabila ng lahat…

 

Sa Bawat Higop ng Kape…(a prose poem)

Tila hindi na niya pansin ang dati ‘y malinamnam at humahagod sa sikmura na dala ng mainit na kape. Ngayon ay madalas itong naiiwang malamig na kasa-kasama ng palutang-lutang na damdamin. Pilitin mang arukin ang sanhi ng kirot ay lalo lamang nadaragdagan ang sanlibong mga tanong na iyong iniwan.. Bakit? Bakit nagkaganoon? Anong naging  pagkukulang gayo’ng  ibinigay na ang lahat? o sadya talagang  nakakasawa rin ang sobra? Tanong at tanong din lamang ang kayang  sumagot sa bawat tanong. Hahayaan na lamang maging malabnaw ang lahat. Isang pamatid uhaw sa bawat pagkapilas ng mga araw. Umaasa na sa pagkahulog ng buwan ay may sisiwang din na liwanag. Nagbihis ng bagong yuniporme. Naghanda sa pagharap sa bagong umaga. May lamat man ang tasa ay ­­— umaasa na bukas sa pag-gising niya ay muling malalasahan  ang tamis at init na dala ng bagong umuusok na tsokolate “E”.

Banggaan ng Dyip

 

Kaylakas ng banggaan

ng dalawang dyip

nakakabingi ang hiyawan

hindi malaman kung sino

ang sumalubong

 

sino kaya ang

tunay na may kasalanan

 

parang away naming mag-asawa

nang magkabanggaan

ang init ng aming mga ulo

at magsalubong ang galit

 

…na matagal ng pinagtitimpian

 

mabuti pa sila

at nang dumating

ang mamang pulis ay

mabilis ang naging ngitian

 

ngunit sa amin ay

wala ng paraan

nagtuloy-tuloy na ang isnaban

magkasalubungan man sa daan

 

patuloy na magbabanggaan

patuloy na magbabangayan

ako na isang ako lamang…

ang pagkutya Mo nooon sa akin

ang pag-alipusta Mo noon sa akin

ang pagtuligsa Mo noon sa akin

ang dahilan kung ano ako ngayon.

 

ang  pagsigaw Mo noon sa akin

ang pagmamatyag Mo noon sa akin

ang bawat pasakit Mo noon sa akin

ang nagpatibay sa akin ngayon.

 

ang mga salita Mo noon sa akin

ang mga pagtangis Mo noon sa akin

ang pagkaawa Mo noon sa akin

ang lahat ng ito’y ginagawa mo

pa rin sa akin…

 

ako na isang ako lamang

at isang hamak na ako—

Salamat po.

Init at Lamig

Init at Lamig

 

Sumi-siksik

ang liwanag

sa nakapikit

na  mata

           

Pilit na

babangon

ang nakahimlay

na kaluluwa

 

Mainit na araw

 

Tumutunaw

Pumupukaw

Sumisilaw

 

Nagbibigay din ng

 

pag-asa

ginhawa

at saya

 

Ibat-iba

ang pandama.

 

Magka-iba man

ng distansya.

Sana may Happy Meal ako.

i. Agahan

 

Tila nagkukulang na ang tamis

sa kapeng hain o masakit lamang talaga

ang lalamunan ko sa maghapong pagsasalita.

 

Hindi ko na maisawsaw sa nabasag na pula

ng itlog ang matigas na pandesal (malamang

na wala ang konsentrasyon).

 

Hindi rin mabasa  ng mata ang babasahing

peryodiko kahit kanina pa tinititigan ito.

 

ii. Tanghalian

 

Ilang oras ko na ring napakuluan ngunit matigas

pa rin ang karne mula sa nilagang baka na

may kasamang luha mula sa sibuyas na nahiwa.

 

Hayaan ng mabasa  ng sabaw ang

tutong na bahaw mula sa kaning hindi nagalaw

kahapon ng sandaling tumakas ako.

 

Sa tulong ng malamig na pepsi na siyang

magtutulak sa nabarahang lalamunan, salamat.

 

iii. Hapunan

 

Sapat na ang mainit na tsaa na aking hinanda

upang makatawid ang kumakalam na sikmura,

itutulog ko na lamang ang gutom—

 

at mangangarap na bukas ay may masarap

na hain sa hapag kainan.

 

author:dyeppri