Eroplanong Papel (Isang Kwento ng Pagmamahal…)

     

May halos pitong taon din ng huli kaming magkausap ni Rodrigo.
Rodrigo: “Pare kumusta na? May balita ka pa ba kay Mitch?”
Ako: “OO, nagbalik na sya sa atin. Ikaw nga din ang hinanap sa akin ng una kaming magkita. Sabi ko nasa Dubai ka na pare at wala na akong balita sayo. Mali ang inakala natin kay Mitch at palagay ko ikaw talaga ang mahal nya.”
At naputol duon ang linya. Naisip ko baka naubusan ng load si pare kasi mahal ang tawag sa abroad…
“Binigla mo naman ako Rodrigo.Noong isang lingo kausap lang kita sa phone at ngayon sinusundo na kita sa Airport. Ano ba yang hawak mo? Huwag mong sabihin itinago mo pa din yan sa loob ng 10 taon? “Sunod-sunod na usisa ko.
“OO pare, alam mo naman bata pa tayo ay mahal ko na si Michelle…” seryosong sagot ni Rodrigo na nagpanumbalik ng ala-ala nang kabataan naming tatlo.
Magkakabata kaming tatlo ni Rodrigo, Michelle at ako. Higit pa sa magkakapatid ang turingan namin simula pa noon. Pero syempre may pagkakaiba din lalo na sa mga pangarap namin.
Maging doctor ang pangarap ko ng makatulong sa bayan ko dahil alam ko ang hirap kapag nagkasakit sa lugar namin. May tatlong oras ang biyahe papuntang ospital ng Lucena. Mahirap din ang sakripisyo sa pag-aaral ko lalo na ng malipat ako sa Manila kasi di ako sanay sa buhay duon.Mahal din ang gastos pero nakayanan ko din sa tulong ng mga magulang at malalapit na kamag-anakan ko.
Si Rodrigo naman ang pangarap ay ang makapagtrabaho agad kaya di na tinapos ang kolehiyo at sumama na sa Tiyo Asyong nya na mamasukan sa isang mayamang intsik. Naka dalawang taon lang sya sa Engineering nya. Sayang nga eh. Pero alam ko masaya sya sa desisyon nya.
Si Mchelle naman ganito ang pagkakaalam namin ni Rodrigo.
“BestFriend tara duon sa itaas ng Grand Stand kasi papaliparin ko ang eroplanong papel ko.” Michelle.
Ako: Bakit kelangan pa doon?”
Mitch:” Kasi lahat ng kahilingan ko ay nakasulat dito at baka marating nito ang pinto ng langit.”
Ako: “Ayan sa taas ng pagkakalipad noon sigurado naabot nya na ang nais nyang marating.”
Hindi namin alam sumunod pala si Rodrigo at sya ang nakakuha sa ibaba ng sulat ni Michelle. Pinabasa sa akin ni Rodrigo ang kapiraso nito.
“Pagod na po akong maging mahirap…Ayaw ko na po ng ganitong buhay.
Tulungan nyo po maahon sa kahirapan ang pamilya ko. Mahal ko po ang aking mga magulang
at mga kapatid ko. Ako lang po ang pag-asa nila, Mayaman lang po ang gusto kong maging
asawa o huwag na lang po. Sana maintindihan nyo po ako. Michelle”
Ganoon nga si Michelle. Tuwing naglalaro kami ay gusto nyang maging papel ay isang donya o senorita.”Hoy, mga katulong ko lang kayo kaya bawal ang tatamad-tamad. Sige linisin mo yang mga plato-plato natin.” Ani nito.
Minsan may bagong lipat sa kabilang baryo. “Halika na Michelle, uwi na tayo.” Paki-usap ko.
“Ma-una ka na nga at dito lang kami ni Rodrigo. Sasamahan nya ako na antayin yung crush ko sa malaking bahay na ito.’Di man sya ka-gwapuhan ay ang yaman-yaman naman nila. Sana maging mag-kaibigan din kami noh.” Sagot ni Michelle habang lumilipad ang isipan.
Nang mag-second year high-school na kaming tatlo ay lumipat na sa Maynila ang pamilya ni Michelle. Hindi na namin sya muling nakita at wala ng balita sa kanya maliban sa bihirang sulat nito. Ipinaalam nya na nahinto na sya sa pag-aaral duon dahil masmahirap pa pala ang buhay nila duon. Libre man sila ng tirahan at pagkain sa bahay ng amo ng magulang nya ay malayo naman ang school duon. Nag-waitress na lamang daw sya at nag-aaral magsayaw at baka makapag-Japan sya. Sabagay may itsura naman si Michelle at maganda ang hubog ng pangangatwan. Sigurado pasok sya duon.
Pwede pa makabingwit ng Hapon na tutupad sa mga pangarap nya. Instant Jackpot ika nga…
Sa mga nababalitaan namin ni Rodrigo tungkol kay Michelle ay lubos na ikinalulungkot nito. Minsan ay nakakaapekto din sa pag-aaral nya. Pero ako sabi ko lang sa sarili ko ay “siguro ay masaya naman din ang friend namin at matalino din naman ito na magdesisyon sa sarili nya.”
Makalipas ang 9 na taon, 1998 nuon at bumalik sa bayan namin si Michelle. Unay di ko sya nakilala. Simple lang ito hindi tulad ng inaasan ko na “borgis” pero maganda pa din siya. Isang dalagang pinay ika nga. Di naman pala sya natuloy papuntang Japan kasi namatay ang ama nito. Mahirap man ang naging buhay nya pero nakayanan naman nila. Hindi na din daw sya umaasa na yayaman pa. Okey na din daw simpleng buhay basta nakakaraos sila araw-araw ng mga kapatid nya. Natuto na din daw sya na ang pagmamahalan ang higit na mahalaga.
Rodrigo: ” Pare bakit natulala ka dyan?”
Ako: “ Anong ba nangyari sa’yo bigla ka nawala at ngayon biagla ka sumulpot ha?”
Rodrigo: “Kasi may mga pangarap ako na nais kong tuparin! Ganito..
Sumama ako kay Efren na mag-Dubai 6 years ago. Naging assistant electrician ako ng isang British Engineer. Nag-ipon habang nagtratrabaho at sinabay ko na din ang pag-aaral dahil mabait naman ang manager ko. Pinayagan nya din ako ituloy ko ang engineering course ko sa London sa kondisyon na sa kanya ako magtratrabaho pagkagraduate. Ginawa din akong supervisor ng maging ganap na Engineer na.
Nagawa ko ang lahat ng ito dahil sa eroplanong papel ni Michelle. Gusto kong tuparin ang mga pangarap nya na ikakatupad din ng pangarap ko na ”maging mabuting asawa nya”. Sa bawat patak ng luha nya ay gumuguhit sa puso ko at nagiging sandigan ko naman upang maniwala at magsikap na kaya ko.Mahal na mahal ko s’ya simula noon pa. Sa tulong ng Diyos ay matutupad na ang lahat…
Bilisan mo na ang pagmamaneho pare… Kung bakit kasi hindi mo pa sinama si Mitch…
Sakyan na lang kaya natin ang eroplanong papel mo ng mapabilis tayo…hehehe…
END…
Author: dyeppri

Ebidensya at Hustisya (part 1)

Ebidensya at Hustisya  (Part I)

Marahan ang bawat tusok ng tulis ng karayom sa itim na tela upang manatiling nakabalanse ang hustisya.

Sa loob ng kakahuyan—

mamamataan ang mga bagay na niluma na ng panahon. Kung hindi ko tanaw ang kubo sa ‘di kalayuan ay iisipin kung hindi pa nararating ng  tao ang lugar na ito. Paakyat, masukal, makitid, maputik at kay tataas ng mga  talahahib na handang humiwa sa kalamnan, may  binuwal na puno ng mangga na marahil sa nagdaang malakas na unos. Gumulong na sa lupa ang mga hinog na bunga nito. Nabubulok at inuuod. Walang nag-atubili na magbaba noon sa bayan para gawing itong pera.

D’yaan na po Sir ang kaisa-isang bahay dito sa tumana, sabay turo sa akin ng isang magbubukid doon. Sige hintayin mo na lang kami dito at kami na ang papasok.

Kuya mamaybay ka lamang sa damo, utos ko. Tumalima rin naman si Sarhento Lope na kumpare niya sa sinabi ko. Nakatutok ang bagong linis na gatilyo ni kuya sa lahat ng bagay na  kanyang abot tanaw. Libangan na niya tuwing umaga ang hagurin iyon ng langis ng makinilya. Doon daw nakasalalay ang buhay niya. Yuon lang daw ang masasandalan niya sa anumang oras sa ganoong klase ng  trabaho. Kaya nga ng ipaalam ko kay Inay na pagpupulis din ang gusto ko ay isang malakas na hindi ang sinagot niya. Lahat ng klaseng pagsawata ay ginawa niya. Tama na daw ang pagkakamali niya kay kuya. Magiging isang Doktor lang daw ako. Matigas si Inay. Bakal ang bawat salitang binibitiwan niya.

Maingat ngunit mabilis ang kanilang pagkilos. Hinahabol namin ang oras. Mahirap abutin ng dilim sa ganoong kalagayan. Patakbong-payuko ang pagsisiyasat namin. Papasukin ko. D’yaan lang kayo muna, utos ni kuya. Naghintay ako. Samantalang si Sarhento ay umikot sa likod. Sisiguraduhin daw niyang walang tao doon.

Lumabas silang magkasabay  na mistulang  blangko ang mukha. Positve. Kaya lang patay na ang  biktima,sabi ni kuya. Alam ko na ang ibig sabihin noon.  Ako na ang bahalang kumilos, mag-imbestiga at mangalap ng ebidensya. Parang may lente ang mata ko na umikot sa paligid. Parang naghahanap ng karayom sa damuhan. Inilabas ko ang digital camera, pinaikot ang voice recorder, sinuot ang gloves.

Mabilis ang dapat ikilos dahil papadilim na. Paparating na rin ang mga kasamahan ni kuya at mga kaanak ng biktima. Walang senyales na nakita ako sa labas kundi ilang pares ng bakas ng sapatos sa kaputikan ng lup. Isa-isa ko itong  kinuhaan ng litrato, isang sigarilyo na hindi pa nauubos ang isinilid ko sa plastic, may isang lumang  tsinelas na walang kapares, mamahaling cellphone na kulay pink, shoulder bag, may balat ng kendi na Mentos, may tuyong balat ng saging. Iba-iba pang mga bagay na sa pakiwari ko ay ‘di naman gaanong makakatulong ang kinunan ko na lamang ng litrato.

Nakalawit ang kalawanging kadena at ang kandado nito sa pintong kawayan. Marahan ko itong itinulak—tumambad sa akin ang isang katawan ng babae. Nasa edad kinse hanggang bente, mahaba ang buhok, maputi at makinis ang balat. Halatang may kaya ito. Wala na itong saplot sa katawan. May tama ng saksak sa dibdib at t’yan.  Duguan.

Gamit ang lakas ng ilaw sa dala kong lente ay siniyasat kong mabuti ang bawat anggulo sa biktima. Mapapansin na matigas na ang namumuong dugo at ang hiwa sa balat ay medyo nangingitim na. Palatandaan ito na may walo hanggang labing-dalawang oras na itong patay. Malamang kaninang bukang-liwayway nangyari ang krimen. Ibinuka ko pa ang mga hita nito. Dikit-dikit ang pubic hair na tanda ng pananamantala. Ngunit walang tanda ng pagkakahiwa sa labya.Maaaring dahil sa estado nito sa buhay ay sanay na ito sa pakikipagtalik. Kung gayon ay maaaring hindi nobyo nito ang gumawa sa kanya dahil kung pumayag lang ito ay buhay pa sana siya.

May roon ding nagkalat na mga gamit  sa paligid na siyang palatandaan na nanglaban ang biktima. Dagdag pa ang mga pasa o hematoma sa braso at hita nito. Bumakat ang bigat sa pagkakahawak sa braso ng biktima. Sinubukan din siguro siyang patayin sa pagsakal dahil nangingitim ang leeg nito o maaaring iyon talaga ang sanhi ng kanyang kamatayan.  Nanigurado lamang na patay na ang biktima. Matitiyak ito sa blood analysis sa lab kung gaano karami ang natitirang haemoglobin sa dugo kumpara sa plasma protein nito. Kapansin-pansin din na ang saksak ng matulis na bagay ay nasa kanang dib-did ang karamihan, dagdag pa ang talsik ng dugo sa papag na kawayan. Masasabing sa trajectory ay kaliwete ang salarin.

Namulot din ako ng maaari pang dagdag na ebidensya. Damit ng babae, pantalon at panty nito, mga nahubad na mamahaling kwintas at sing-sing. Kung gayon ay ‘di pagnanakaw ang motibo nito. May roon ‘din isang brief na maaaring naiwan sa pagmamadali ng suspect. Isa ito sa pinakamatibay na magbibigay ng ebedensiyang dapat pagkaingatan. Pulot-dito at pulot-doon. Lahat ng anggulo sa paligid at kasama na ang bawat detalye ng katawan ng babae ay kinuhaan ko. Kailangang wala akong makaligtaan.

Dok, andyan na ang mga kasama natin, paalaala ni Sarhento. Tumango lamang ako at ibinigay ko na lahat sa kanya ang mga nakolekta ko. Wala pa ako sa posisyon para sa mga ganoong bagay.

Napawi ang kapayapaan.Napalitan ng ingay ang katahimikan ng gabi. Kanya-kanyang kamera ang mga reporter at mga taga-imbestiga. Inulan ng mga tanong si Kuya kung ano ang nangyari at papano niya ito natagpuan. Isang tawag lamang sa telepono ang nagbigay ng lead, ang sinagot nito.

oOo

Tumutulo pa ang pawis sa bote ng San Miguel Beer  na iniabot sa akin ni kuya na hinugot niya galing sa chiller. Sa ganitong mga seryoso at maiinit na usapan ay mas gusto naming magkapatid na pinapalamig ito ng mga hagod sa bawat lunok ng serbesa. Katulad ng dati ay dito kami nagpapalitan ng mga kuro-kuro. Natatandaan ko ay may sampung taon na yata ito ng huli kaming magkausap dito. Iyon ay noong naguguluhan ako kung tatanggapin ko ang alok na libreng pag-aaral ng NYPD at alok na maging parte ako ng Forensic Pathologist nila  nang makapag-tapos ako ng Medecine sa UST.

O ano na? Ganoon pa rin si Kuya kung magsalita. Maikli ngunit malaman ang bawat binibitiwan nito. Anak pala ni Mayor ‘yung biktima. Malamang malaking tao din ang may gawa noon. Kakilala o BF  o Ex nito marahil o ‘di kaya’y nabasted ang suspect. Hukayin mo muna ang background noong biktima bago natin simulan ang pag-iimbistiga sa labas nito.

Wala nga, ‘di pa nagkakaboypren kasi mahiyain daw ito sabi ng Mama niya. Maikli pa rin ngunit malaman ang sinabi ni kuya. Napapaisip ako ng malalim. Gumuho ang lahat ang mga nasa isip ko na teyorya. Mas mahirap ngayon humanap ng suspect dahil lalabas na hindi malapit sa biktima ito. Teka, saan ba huling nakita ang biktima?

Sa school. Kung sa school eh malamang dinukot siya doon. Wala ba nakakita. Asan bodyguard niya o driver niya nang mga oras na iyon. Natanong na ba sila o naimbestigahan? Mga kaibigan sa school, wala bang nakasaksi sa pangyayari?

Bukas titingnan  ko ‘yung anggulong ‘yan? Kwe-kwestyunin natin ‘yung mga gwardiya niya. Mabuti, pero kung pupunta ka na  sa eskwelahan ay magtanong-tanong ka na rin kung meron ba siyang manliligaw.

oOo

Dahan-dahang gumapang ang liwanag ng araw sa mga nagsisiksikang gamit sa eskaparate nang hawiin ni Inay  ang makapal na kurtina sa bintana. Kung bakit kasi hindi na lang itapon ang de-uling na plantsa, mga kaserola at termos. Kung alaala lang ni Itay ang kailangan niya ay sapat naman na siguro ang mga kupas na larawan nila ni Inay sa mga nagsabit sa dingding ng buong kabahayan. Minsan mahirap maunawaan si Inay. Hayaan mo na ‘yan, O kuya mo nasa telepono  at kakausapin ka daw.

Walang makuha sa mga gwardya at mga tao sa school. May nagpapatunay daw na naandoon at naghihintay sila sa eskwelahan ng mga panahong iyon. Maaaring tumakas daw sa  eskwelahan  ang biktima. Kahit mga kaklase ay walang masabi. Kumpleto din ang mga guro at walang absent nang araw na iyon. Ganoon ba? Sunduin mo ako kuya at punta tayo sa morgue. Pero ‘di na tayo aabot dahil nakaburol na ito at isa pa ay hindi pumayag si Mayor na ma-autopsy pa ang katawan.

oOo

Inumin mo muna kuya ang beer mo at baka  hindi mo na mainom pa ‘yan kapag nalaman mo kung sino ang suspect ko. Bakit, si— Mayor ba?

Pwede nga! Kasi nalaman ko na hindi pala tunay na anak ni Mayor ang biktima kuya. Tsaka lahat ng ebidensya ay tumutukoy sa kanya katulad ng brand ng sigarilyong nakita natin sa crime scene. Huling tawag na natanggap sa cellphone. Hindi din niya maipaliwanag kung asan siya ng mga oras na iyon. Tsaka tingnan mo iyung bakas ng sapatos sa lupa na kinunan ko, isa doon ay parang sa brand na Caterpillar ang logo. Sakto sa sapatos na suot ni Mayor. Dagdag pa dito ang history niya. May sexual harassment siyang kaso  ‘diba. Kahit nalusutan niya iyon dati ay baka nagamitan lang iyon ng impluwensya. Maraming tanong eh. Maraming butas. Bakit ayaw niyang ipa-autopsy ang katawan? Isang malaking katanungan pa iyon. Bakit nagmamadali sila ‘atang ipalibing ito. Parang may itinatago o nais pagtakpan.

Sige at isusumite ko itong lahat ng ebidensya at teyorya mo para mailatag agad ang Warrant of Arrest. Pero papano ‘yung DNA Test sa kanya at sa dalawang anak nito na si Rodrigo at Emmanuel, hihintayin pa ba natin iyon? Tatlong Lingo pa daw  ito bago mailabas ang resulta.

Confirmatory na lang ‘yun kuya. Matibay na iyang ebedensya natin kay Mayor. Hindi naman siya tumatangi nang nakwestyon natin at puro abogado na lang daw niya ang bahalang magsalita sa korte. Guilty sigurado iyon o maliban na lang kung… pero sigurado ‘yun.

oOo

Gising.Gising. Narito na ang kopya ng ginawang DNA test, basahin mo…

Positive ‘yan sigurado kuya … Pero kung hindi ay yari si Mayor. Sira na ang pangalan niya. Pero yari din tayo. Sige na, pa-suspense ka pa, sabihin mo na lang kuya—

Si Mayor NEGATIVE… ngunit POSITIVE  ang isang anak niya.

___________________________________________________________________________

“We must have the courage to know the causes of death” *dyeppri

Iyak at Hagulhol ang Sagot sa Hampas ng Yantok

Pag-iyak ng paslit sagot sa hampas ng yantok

Saksi lamang ay luha at pagkahabag

Baluktot na kawayan ay hinuhubog simulat-simula pa

Nagmamasid lamang ang lasing nitong Ama.

 

Nakakabingi ang halakhak sa bukas na bintana

Kasabay sa tilaok ng manok na may usok na binubuga

Ngunit para yumabong nga’t mamunga ang matamis na mangga

Umulan ma’t bumagyo ang katig ay matigas pa sa bato

 

Ngayon nga ay iba na ang taga-hulma

Ang makapal na kamay na ang syang nagpapaikot

Kailangang painitan ang bakal upang maging malambot

Hindi lahat ng kumikinang ay ginto ang  wika ng ina.

 

Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa

Pangaral ay ini-ipon lahat sa isang kahon

Ngayong ako’y nasa bangka tungo sa kabilang panahon

Iiwan ko na lamang sabay pikit sa aking kahapon…

Doctors Chapter 9 God have mercy on us…

Doctors 

                             

“To save a man’s life against his will is the same as killing him. ” ~Horace

 

 

“Doc pwe—pwede ko po ba kayong makausap nang personal” sabi ng isang matandang lalaki kay Ike

“Eh, intern pa lamang po ako Sir!”  pagpapakumbaba niya pero isang taon na lamang naman ang nalalabi at magiging isang ganap na Doktor na din siya

“pero di ba kayo ang nag-aalaga sa anak ko…”

“ Sige po. Tatapusin ko lang po ang pagra-rounds ko at ipapatawag ko po kayo sa nurse ha.”

“OK. Salamat po Doc” mababakas ang kalungkutan sa mukha ng isang matandang lalaki.  

Siya si Mr. Gaston na may ari ng isang pabrika ng damit sa ivesoria na pang-export. May katandaan na at nasa edad sisenta na ito pero makikita pa din sa tindig  na may sinabi ito at nakaka-angat ng antas sa lipunan. May ilang taon na din ang lumipas ng maging balo ito at naiwan sa kanyang pangangalaga ang anak na may sakit na si Elena at kasama pa ang tatlong maliliit na apo dito. May apat na taon na ring pinahihirapan ng sakit na Parkinson’s Disease ang anak. Hindi malaman nila kung kailan talaga ito nagsimula at napansin na lamang nila na nakaramdam itong panginginig ng laman na ngayon ay lumala na at hindi na ito makabangon dahil sa paninigas ng kalamnan. Kung saan-saan na nila pinatingnan ang anak ngunit wala raw talagang lunas ang sakit nito at puro pangsuporta lamang upang humaba pa ang buhay. Hindi na din nakayanan ng asawa ang paghihirap ni Elena kaya’t iniwan na lamang ito sa sariling Ama kasama ang tatllong mga anak. Hindi daw niya kayang buhayin ang mga iyon at hindi rin niya kayang makisama sa biyanan nito. 

“Sir, ano po ba ang maipaglilingkod ko sa inyo” tanong ni Ike

“Doc pwede po ba sa labas tayo mag-usap at tuloy ay makapag-meryenda na din?” seryosong sagot nito

“Mukhang maselan po ang pag-uusapan natin ah! sige po at gutom na din ako.”

 “Intayin ko na lang po kayo doon sa kanto, sa Jollibee…” sabi ni Mr Gaston

“OK po…magbibihis lang ako at off-duty na rin naman ako eh.” 

Mabilis na nagbihis si Ike at tinungo ang tagpuan nila. Parang kinakabahan siya sa sasabihin ni Mr. Gaston pero hindi naman niya maisip kung ano iyon, basta nababakas niya na masyadong seryoso at parang napakahirap ng sasabihin nito na kailangang sa labas pa ng hospital sila mag-usap. 

“Doc dito po tayo sa kanto mag-usap dahil baka may makarinig sa atin.”

“Sige po…tungkol po ba saan ito at mukhang masyado n’yo akon pinapakaba!” pabirong sabi ni Ike

“Doc kasi…ganito po iyon.” at naluha na ito

“Sige po at nakikinig ako. Dahan-dahanin po ninyo…”

“A— lam ko po ang kalagayan ng aking pinakamamahal na anak na si Elena. Ilang beses ko na po naitanong sa nagpalit-palit na mga doktor sa kanya ang kondisyon niya at nanghingi na din po ako ng second opinion sa ibat-ibang hospital. Iisa po ang sagot nila…wala na daw po lunas ang sakit ni Elena at nag-iintay na lamang daw po siya ng ka—ma—tayan. Noong una po ay madalas sinasabi niya sa akin na sana daw po ay kunin na siya ng Diyos ngunit parati ko po siyang sinasabihan na kahit maubos ang pera ko ay hindi mahalaga at ipapagamot ko siya….Doc ngayon po ay hindi na niya magawang makapagsalita pero nararamdaman ko po sa mukha niya na iyon pa rin ang kahilingan niya, ang mamahinga na!” umiiyak na ng tuluyan si Mr. Gaston

“Ano po ang maitutulong ko” mahinang sagot ni Ike na taimtim na nakikingi

“Alam ko po na isa kayong mabuting Doktor kaya baka po pwede ninyong tapusin na ang paghihirap ng anak ko?! Nagmamakaawa po ako sa inyo. Tuluungan nyo po si Elena at kasama nyong matutulungan ang tatlong anak nito mangyari po ay napapabayaan ko na ang pag-aalaga sa kanila. Nauubos po ang oras ko sa pagbabantay kay Elena at alam ko na ayaw din niya itong mangyari.”

“Ngunit Intern pa lamang po ako!”

“Alam ko naman na kaya nyo po itong magawa kung gugustuhin ninyo lamang tsaka mas hindi po delikado ito para sa inyo dahil walang maghihinala sa kadahilanang estudyante pa po kayo.”

“sigurado po ba kayo dito?”

“OO…Doc kahit magkano ay magbabayad ako sa inyo para lamang matigil na ang paghihirap niya.”

“pag-isipan ninyo po munang mabuti at kung hindi magbabago ang nais ninyo ay tawagan na lamang ninyo po ako sa mobile ko… tsaka ayaw ko po na may bayad ito. Gagawin ko po iyon dahil naiintindihan ko ang nararamdaman ninyo!” binigay ni Ike ang numero ng telepono at umalis ng hindi man lamang ginalaw ang biniling pagkain para sa kanya ng matanda 

Umuwi si Ike na pagod na pagod ngunit hindi makaramdam ng antok kahit dalawang oras na ito sa higaan. Pinagdadasal niyang hindi tumawag si Mr. Gaston sa kanya. Kung ano-ano ang nakikita niya kapag pumipikit ang mga mata. Nakikita nito ang paghihirap noon ng kanyang Ina at nakikita din ngayon niya ang paghihirap ni Elena pati ng ama nito. Bakit nga ba kailangan pa maghirap ng sobra ang maysakit, ano ba ang nagawa nilang kasalanan? Kung mamamatay din lamang ay bakit hindi yung agaran na at kailangan pang pagdusahan ito ng napakatagal na panahon. Sobrang pagkaawa ang nararamdaman ni Ike ng mga oras na iyon. Umaga na nang dalawin ng antok. 

Kringggg…

Antok pang inabot ni Ike ang telepono. Alas-tres na iyon ng hapon.

“Sino ito.”

“Doc si Mr Gaston ito.”

“Oh, Mr. Gaston…. siguro naman ay napag-isipan nyo na po na hindi na natin gagawin iyon?”

“Doc…ituloy na po natin at sigurado po ako…”

 Alas-onse ng gabi nang magtungo ang isang anino sa kuwarto ni Elena. Hindi na ito kumatok marahil ay ayaw nitong makadistorbo sa mga nurse na nakaidlip sa may Nursing Station. Animo’y pagod at puyat na ang mga ito. Tuloy-tuloy itong lumapit ng marahan sa pasyente. Nakapikit at hindi gumagalaw si Elena. 

“Elena ako ang Doctor mo at napag-utusan ako ng ama mo na ibigay na ang matagal mo ng kahilingan, ang magpahinga na ng tuluyan… gusto mo ba ito? kung OO ang sagot mo ay pisilin mo ang kamay ko” tanong ng anino

“Uhmmmm…” pinisil ng hinang-hinang mga kamay ni helen ang inilapit na kamay ng kausap nito

“OO at naiintindihan ko. Sige na at ibibigay ko na ang gamot sa dextrose mo. Matulog ka na at hindi ka na muling gigising pa… matatapos na ang paghihirap mo. Paalam Elena…” nakita nito na maaliwalas na ang mukha ni  pagkatapos itusok ang gamot dito at saka mabilis na tumalikod 

Pagkatapos nang pangyayaring iyon ay agad na nagpalipat si Ike ng destino. Nalipat siya sa Laguna Hospital at hindi na muling nagpakita o nakipag-ugnayan pang muli kay Mr. Gaston. Wala namang nakaalam kung ano ang talagang ikinamatay ni Elena. Lumabas na lamang sa death certificate nito na namatay  sa kumplikasyon sa sakit sa puso o heart attack. Nais suriin ng Hospital kung ano ang totoong dahilan ngunit hindi na iyon pinahintulutan pa ni Mr. Gaston at sinabing hayaan na nilang manahimik ang anak nito. Masaya na daw ito marahil kapiling ng Diyos…

 “Lolo alam ko po na nahihirapan na kayo sa kalagayan ninyo, ako po si Ike ang doktor ninyo. Meron po ba akong maitutulong sa paghihirap ninyo?… pisilin lamang po ninyo ang kamay ko…”

 Ilan lamang iyan sa mga boses na naririnig sa mga kadiliman ng gabi sa loob ng Laguna Hospital. Sa umaga ay mga iyak at panaghoy ng kamag-anak ng naulila nito ang malakas na bumabasag sa katahimikan ng lugar na iyon. Ang ilan naman ay umiiyak ngunit nag-sasabi na salamat po Diyos ko at natigil na ang paghihirap niya, salamat po! 

 itutuloy… (malapit na ang katapusan) 

,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,,

Jack Kevorkian  (born on  May 26,1928)  is a former American Pathologist. He is most noted for publicly championing a terminal patient’s rght to dievia euthanasia; he claims to have assisted at least 130 patients to that end. He famously said that “dying is not a crime.”

Between 1999 and 2007, Kevorkian served eight years of a 10-to-25-year prison sentence for second-degree murder. He was released on june 1, 2007, on parole due to good behavior.

Author: dyeppri
Author’s Bio/Notes: with copyright law.

Semen’to

Semen‘to

 

Ang agos sa tunggalian sa entablado

tumatalon ang mithiin at pakisyaw-kisyaw

Na kumakawala sa kaibuturan ng pagkatao

ang matagal ng ikinukubling pagkauhaw

 

Ang dalang bangong dumidikit sa isipan

ay tila naglalawa na pwedeng ikamatay

Bumabalik ang matagal ng kinalimutan

isang daktang bahid sa habangbuhay.

 

Nawawala man ang ulirat gabi-gabi

ay duon malayang nakakaniig ang tala

At ang likot ng dila ay kayang masabi

bago pa man manumbalik ang  hinuha.

 

Magkaibang direksyon man ang paglangoy

natin sa kasalukayan; dulo nito ang katuparan

Sapat na ang minsang ika’y nagpatuloy

at sementong gagawin kong kanlungan.

 

Mga naging kasama dati sa paglalakbay

sa kanila isisigaw ang ating naging tagumapay

 

sa kabila ng lahat…

 

Ang Ibat-ibang Emosyon sa Kasalan (maikling kwento)

 Ang Ibat-ibang Emosyon sa Kasalan (maikling kwento)

Ekyusmi. Eksyusmi.

Hindi ko na matandaan pa ang huli kong pagpasok dito. Mabibilang lamang yata sa mga daliri ko sa mga kamay ang mga iyon. Ngunit ngayon ay may importante akong kailangang makita. May kinakailangan akong alamin. Kaya pinilit kong makipagsiksikan sa medyo  unahan. Duon sa medyo mataas na lugar na matatanawan ko ang bawat detalye.  Ang kabonggahan ng kasalan. Ang bawat mukha ng bawat taong sasaksi sa pagpapatali ng mga taong mayroong pusong nagmamahalan.

Ibat-ibang emosyon ang nababakas ko sa mukha ng mga taong nakikita ko. Kagaya rin ng emosyong nagrarambulan sa kalooban ko. May mga matatandang babae na walang  mapagsidlan nang ngite ang nagtsitsismisan dahil marahil sa haba nang panahong hindi pagkikita sa kamag-anakan nila. May mga kadalagahang hindi mapalagay sa kinakatayuan nila ang nakikipagsulyapan sa mga binatang nakapustura rin. May mga batang pumapalahaw na ng iyak dahil hindi siguro sapat ang hanging binubuga ng bentilador. May mga mukhang hindi na maipinta marahil dala nang gutom dahil pinili nilang huwag kumain sa kani-kanilang kabahayan upang makabawi ng ginastos sa  mamahaling regalong dala. Ang pari ay halatang inis na rin dahil huli na sa itinakdang oras at may tatlo pa na kasunod na nag-aantay na babasbasan niya.

Napako ang atensyon ko sa lalaking nasa unahan. Halatang hindi rin ito mapalagay dahil butil-butil na ang salit-salitang pawis na gumugulong sa noo nito pabagsak sa dibdib ng itim na amerikanang suot-suot  at paroo’t parito. Walang tigil ito sa kababalik-balik  sa paglalakad at halos lahat na ng tao ay nakamasid kung hihinto na ba ito. Kung mapipigilan nga lamang ng estatwang bato na nakadipa sa harapan niya na patigilin ito sa kalalakad sa harap niya ay matagal na nitong ginawa.

Nagawi sa paglalakad sa harap ko ang lalaking naka-itim na amerkana. Dinig na dinig kong nagtanong ito sa babae na  may mamahaling kasuotan at napapalamutian ng mga kumikislap na mga bato, wala pa ba si Glenda mama?. Sumagot naman ito na, huwag ka masyadong excited iho, maghintay ka at baka natraffic lang kasi malakas ang ulan. Kaya nagpatuloy lamanng itong muli sa paglalakad-lakad sa harapan ngunit kumukuyos na ang isang palad sa isang kamao nito. Nakasimangot na rin ito kagaya ng karamihang tao maliban sa akin. Palagay ko ay ako na lamang ang kaisa-isang mukha ang kakikitaan ng kaaliwalasan na ‘di tulad kanina bago ako dumating. Parang biglang binaligtad ang tagpo. Sila kanina ngunit ngayon ay ako na lamang ang nakangite.

Lumalakas na ang ingay sa loob ng simbahan. Isa-isa nang nagtatanungan ang bawat isa kung ano na ang nangyayari. Kung darating pa ba ang inaantay ng lahat. Kung kanina ay nakatuon ang pansin nila sa lalaking palakad-lakad sa harap ay waring nagsawa na sila sa eksenang iyon, kaya’t mas minabuting sa malaking pintuan na lamang na pasukan sila magmasid. Halos lahat ay nagpapalitan sa pagsulyap sa malaking orasan na naksabit sa inaagiw na may pinturang kupas na sementong pader. Tila binibilang ang bawat pintig ng segundo… ng bawat minuto.

May sumigaw sa labas, anydan na ang kotseng puti. Andyan na! at napalingon ang lahat na nakangite. Sa wakas dumating din! ang sabi ng ilan.

Dumagundong muli ang puso ko. Bumilis ang tibok nito. Lumalim ang paghinga. Nakabibingi ang mga bulungan ng mga tao. Nakabibingi ang pasasalamat nila sa diyos, Salamat…Salamat at dumating na rin yata  ang bride!

Hindi ko napansin na basang-basa na ang mata ko at nagsisimula nang gumulong ang mga luhang ito sa aking pisngi. Sari-saring mga tanong ang isa-isang namuo sa aking isipan at naghahagilap ngayon ng mga kasagutan. Bakit ginawa mo ito Glenda? Hindi ba sapat ang wagas na pag-ibig? Nababayaran ba ito ng salapi? Liligaya ka ba sa piling niya? Papano na ang batang dinadala mo ngayon sa iyong sinapupunan? Kikilalanin ba siya nitong ama?

Hindi ko alam ang mga kasagutan sa mga tanong na ito. Napansin kong muli ang estwang nakadipa. Napansin ko ang butas sa mga palad nito. Nagsimulang maunawaan ang paghihirap niya. Ang pasakit na nararamdaman niya dahil sa mga paghihirap ng iba. Ang pagmamahal niya sa iba.

 At hindi ko napansin kinakausap ko na ang estatwa. Kinakausap ko na SIYA. Panginoon tulungan n’yo po si Glenda, tulungan n’yo po kami. 

Pagdilat ko ay nakita ko. Bumaba ang Mommy ni Glenda sa puting kotse. Lumakad ito papunta sa harapan at kinuha ang mikropono. Habang umiiyak ay sinabi nito sa mga tao na hindi na tuloy ang kasalan. Nagbulungan ang mga tao. Muling nainis ang mga ito sa pangyayari lalo na ang mga kanina pa ginugutom. Nagtanungan. Nagsimulang mag-ingay. Napayuko ang naka-itim na amerikana at muling naglakad ito ngunit hindi tulad kanina. Ngayon ay mabilis at may direksyon na, palabas ito ng pinto.

  

May kakaibang nanginig sa gilid ng puso ko. Nagba-vibrate pala ang telepono ko. Tiningnan ko ito at si Glenda ang nagrehistro. May text message siya:

DYEP UMUWI K N. D N KO DRATING S KSAL KO. KSMA KO N ANG BESTFREN MO. MAG-UUSAP KMI. TNX S SUPORTA.

  

Hindi ko alam kung ano ang emosyong mararamdaman ko. Mabigat ang mga ito.  Awa sa iniwan at Saya para sa mga kaibigan ko.  Sana nga maging maayos na ang lahat sa’yo, sa inyong lahat.

 

Naglakad na rin ako palabas ng pinto sa simbahan ng Baclaran na hindi alintana ang malakas na buhos ng ulan.

Author: dyeppri
Author’s Bio/Notes: dyeppri1975

Dinuguan

Dinuguan

 

Tila hindi kayang pagurin nang isang katerbang buhanging hinahalo nila sa semento at pagbubuhat nito sa ikatlong palapag na ginagawang gusali ang kapaguran ni Selso. Kung nakakakuha ng tiyempo ay umuuwi ito sa bahay  nang mas maaga sa itinakdang oras na uwian ng mga empleyado sa konstraksyong pinapasukan nito.

  

Tulad nang hapon na ito na ang mga butiki sa kisame lamang ang saksi. Ginising niya si Julia sa pamamagitan ng mga mapupusok na halik mula sa paa pataas ng tuhod, hita, balakang, dibdib, leeg at mga labi nito. Huminto siya pansamantala sa labi nito na tila duon naka sumpong ng hinahanap na kaligayan. Kusang nangalaglag sa sahig ang panakip nila sa katawan. Ang panakip na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng tao sa diyos. Na ang tao’y dapat walang hiya. Walang dunong sa kanilang ginagawa. Ang lahat ay walang dahilan. Puro kailangang katawan lamang.

At duon ay nakalimutan na niya pansamantala ang dahilan ng pag-uwi niya ng maaga, ang hapdi ng sikmurang dala ng gutom na hindi pa siya nanananghalian.

 

Kagaya ng mga nauna ay walang magawa si Julia kundi ang ibalik ang nawalang ulirat at gantihan ang mga halik ni Selso. Kailangan niyang higitan ang mga naunang ipinamalas na kagalingan nito sa pakikipagtalik. Kailangan niyang makamit ang ekspektasyon ni Selso sa kanya. Ayaw nitong maulit ang minsang pagkadismaya nito sa kanya at imbes na halik ang iganti sa kanya ay mga suntok at sampal ang iginawad nito. Hindi na daw ba siya matututo.

 

Gamit ang sandata ng kasanayan at kaalaman sa kiliti nito ay muling tinangka niyang patakasin sa katawang lupa ang kaluluwa ni Selso. Gawing baliw ito. Ang tao’y muling nagsahayop. At ang hayop ay naging tao.

 

Naglaban ang kanilang mga dila. Espadahan na walang pagkasugat. Kung noo’ng una ay nakahihiwa pa sa damdamin niya iyon ay ngayon ay tila sanay na sanay na ang kanyang katawang lupa sa ganoong eksena. Nawala na ang kanyang hiya. Binura na nito ang kalapastangan bilang isa man lamang siyang babae.  Bakit pa kinakailangang daanin sa iyak kung pwe-pwede namang gawing matamis ang isang mapait na bagay, ang sabi niya sa kanyang sarili. Pinilit niyang unawain ang lahat. Pinilit niyang tanggapin na sadyang malibog ang mga lalaki. Pinilit niyang ganoon na talaga si Selso. Pinilit din niyang sadyang ganoon na siya. Parausan.

 

Nagpagulong-gulong sila.Ang mga kamay ni Selso ay tila isang manlalakbay na hindi alam kung saan pupunta. Paroo’t parito sa kabuuan ng katawan ni Julia. Dumudulas ang bawat himas. Nang magsawa sa ginagawa ay namasyal ang mukha nito sa likod, sa dibdib hanggang bumaba sa pagitan ng kanyang mga hita. Pinilit pawiin ang pagka-uhaw sa kakaunting katas na bumubulwak sa kaselanan ng kaharian nito.

 

Walang hanggang pag-ungol lamang ang ginanti ni Julia. Hindi siya makawala sa bisig ni Selso. Wala siyang magawa kundi ang ipihit ang mga ulo mula kaliwa hanggang kanan- pakaliwa. Sinabunutan niya ito ng matindi na tila lalong ikinatuwa ng huli. Masmasakit-masmasarap ika nito.

 

Nang magsawa si Selso ay natiyak niyang panahon na upang pakawalan ang natitira pa niyang lakas. Ang lakas na handang gumapi kanino man. Hinila niya si Julia. Inihanda sa kanyang gagawin. Sa gagawing pagpasok sa katauhan nito. Kumubabaw ito at itinusok ang buong tanda ng kanyang pagkalalaki. Umulos ng sunod-sunod. Hindi kayang pawiin ng malamig na hangin mula sa bentilador ang kumakawalang init sa katauhan nito. Butil-butil ang pawis na nanunulay sa mga braso nito bago niya narating ang sukdulan ng pagsabog ng kanyang kamandag. Ang walang hanggang kamandag na kayang pumatay ng lahat. Ngunit para kay Julia ay mabuti na ito kaysa magbigay pa ng panibagong buhay na kayang-kaya rin niyang patayin. Nang kanyang kalibugan.

 

Bumagsak si Selso sa matigas na kama habang hinahabol ang paghinga. Pumikit ito panandalian ngunit bago pa siya nakatulog ay duon niya na alaala na gutom na nga pala siya. Isa-isang pinulot ang mga saplot niya na naglaglagan sa sahig.

 

Dumiretso sa kusina at nagbungkal ng makakain. Ngunit wala siyang natagpuang magpapatigil sa pagkalam ng kanyang sikmura. Muli niyang binalikan ang nuo’y nakahiga pa ring si Julia na nababalutan na ng kumot. Ganoon naman siya na sa tuwing iiwang mag-isa. Duon bumabalik ang kanyang hiya. Duon kapag tapos na siyang muling maangkin.

 

Pagkakita kay Selso ay mabilis na nagbangon si Julia. Hinarap ang mga pangangailangan nito. Alam na niya na kung ano pa ang kina-kailangang muli nito. Ang panibagong pagsisilbi. Iyon lamang daw naman ang kanyang silbi at ang gawin siyang madalas na arenola. Ngunit wala na daw dapat makaalam nito maliban sa kanilang dalawa kung ayaw niyang malintikan sila. Wala.

 

“Asan na ang ulam? Ano ba ang niluto ng nanay mo?”

 

“Dinuguan po,”

Author: dyeppri

Mga Tula ng Lumuluwag na turnilyo #1

turnilyo3a

Previous Older Entries