Pulang-pula

Mabilisan lamang ang paglilipat ng mga pahina sa makapal na koleksyon ng mga pinagpira-pirasong larawan ng kalamnan sa libro ng anatomy upang bumalik sa pagkakahawak ng kanilang mga kamay. Sapat na ang paghahawak-kamay at minsanang paghaplos sa braso upang ipadama niya kay Luisa ang wagas nitong pagmamahal, ang pagpaparamdam ng pag-aaruga at pag-aalala niya rito. Ang pagpaparamdam ng init ng kanyang pagmamahal sa sinisinta.

 

Krrrrring….Kringgggg…..

 

 

Napitlag siya at muntik ng ikahulog sa makipot na pinagpatong na higaang bakal.Nakabibingi ang ingay ng alarma ang nagpabalik sa tumatakas na kamalayan  at ang  reyalidad na kailanman ay sa panaginip lamang niya kayang muling makuha ang puso ni Luisa kay Ralph.

 

Mabilis niyang dinukwang ang orasan sa  walang humpay nitong pagpapaalaala ng oras na niya sa paggamit sa paliguan. Kung hindi nga lamang may susunod pa sa kanya duon  ay muli niyang babalikan ang kay sarap niyang panaginip.

 

Kinusot ang mata.Kinapa ng mga daliri ang mga natuyong luha at pinitik sa kawalan. Sinubukang suntok-suntukin ang hangin na dahilan upang maglagutukan ang mga buto sa siko at balikat saka tumayo at inabot ang nanlilimahid na labakara na ilang linggo na yatang hindi na lalabhan. Hilo-hilo pa yata siya dala ng kalasingan sa alak habang nangunguyapit pababa sa hagdanan.

 

Ang malamig na tubig na nagmumula sa shower ang tuluyang gumising sa kanya at nagpaalaala na may mahaba silang pagsusulit ngayon. Dali-dali siyang nagbanlaw kahit ulo pa lamang ang nasisimulang sabunan. Patakbong bumalik sa kwarto at isa-isang hinila ang yuniporme na animoy pinagbahayan ng mga uod sa pagkakagusot-gusot nito. Bahagyang hinagod ng palad at sinabi sa sarili na, okey na ‘ yan at magugusot din naman.

 

Pilit pinagkasya ang mga librong inaamag na yata sa taguan, ang ilan dito ay tila naging patungan na lamang ng ashtray sa tuwing sila’y mag-iinuman.Kailangan niyang dalahin ang mga ito dahil kailangang kahit papano ay mapasadahan ng mga mata ang bawat pahina. Ayaw niyang maulit pa ang nangyari nuon na nanghuhula na nga ay wala pa ring maisagot na hula. Binabalak niyang dumaan sa library pagkatapos ng BioChem niya. Parang nais na niyang may mabago sa kanyang sarili.

 

Putcha. Recitation pa ang inabot niya. Isang oras siyang nakatayo dahil wala siyang mailatag na tamang kasagutan sa bawat tanong na ipinupukol sa kanya.Halakhakan.Tawanan. Sabagay sanay naman na siya sa ganoong eksena at sanay na rin sila sa kanya.

 

Dumiretso siya sa silid aklatan pagkatapos ng klase, pagkatapos mapahiya ng isang oras sa buong klase. Binitbit sa sarili ang pag-asang kaya niyang baguhin ang lahat kung gugustuhin niya.

 

Hindi na niya nagawang tumingin pa sa paligid dahil ayaw niyang may mapagmasdan na baka mayroong pumansin sa kanya kung anong gagawin ng tulad niya roon na bilyaran ang alam na tambayan kapag bakante ang oras. Umupo siya sa sulok at nagsimulang magkubli sa makapal na libro ng anatomy. Inisa-isa ang bawat larawan, ang bawat detalye at pangalan ng katawagan nito.Binigkas ng mahina ang bawat salita na siya lamang ang nakakarinig. Pilit ipinasok sa memorya.

 

Napahinto siya sa pagbabasa ng mapansin ang naghahagikhikan sa tapat na mesa. Hindi dahil sa ingay siya naistorbo, kung tutuusin ay mahina lang naman ang mga ito bagkus ay dahil sa kilalang-kilala niya kung kanino nanggagaling ang mga pagtawang ito. Mga pagtawang matagal na niyang ninanais na siya ang magbibigay ng dahilan. Ang pangarap niya na sana ay siya ang dahilan ng lahat ng ikinasasaya ni  Luisa. Siya ang magpapaligaya dito.

 

Dahan-dahan niyang binaba ang libro at sinilip ang mga nangyayari. Bakit ba mas ninanais pa ng mga taong nagmamahal na tingnan pa ang mga bagay na alam na alam  naman niyang magbibigay sakit sa kanya? Parang sinusunog siya habang pinapanood ang paglalambingan nila.Ang pagmamahalan nila. Ang kasiyahan nila.Dapat daw ay tanggapin na lamang niya na hindi na sila at maging masaya na siya na makita si Luisa na masaya na. Papano ka ba magiging masaya kung alam mong ang taong mahal mo ay mas masaya na sa piling ng iba.

 

Naalala niya ang naputol na panaginip niya kanina. Ang mga pagngite at matipid na pagtawa ni Luisa. Mga nakakatunaw sa pusong paglalambing nito.At Iyong-iyon ang panaginip niya kania,  ‘yun nga lamang ay si Ralph ang kasama nito ngayon at hindi siya.

 

Tumayo siya.Hindi na niya kaya ang nakikita nito sa kanyang harapan at dali-daling tumalikod at lumakad papalabas ng silid aklatan. Hindi na niya kaya pang balikan ang mga naiwang pahina sa  makapal na libro. Hindi na niya kayang basahin muli ang mga ito.

 

Muli ay naging blangko ang mga sagot na nais niya sanang ihula sa mga katanungan sa pagsusulit. Walang ideyang lumabas sa utak niya. Wala siyang maisip kundi ang mga nakita kanina kung bakit gaoon ang nangyari. Sana ay siya ang nagpapasaysa sa mahal niya. Sana ay masaya din siya. Sana ay mayroon pa siyang mapagpipilian upang masagot ng tama kung papano mangyayari muli ang mga ito.Ngunit wala.Blangko din.

 

Muli ang mga aklat ay isa-isang sisiksik sa taguan, ang iba ay muling magiging patungan ng ashtray sa inuman. Mababasa` at muling matutuyo ang mga ito mula sa natatapong serbesa.Baka sa susunod na semestre ay magtatangka na muling mabasa ng may-ari kapag nakapagdesisyon na siya na tapusin ang kursong napili o baka hindi na at magsawa na siya sa ganoo’t – ganoong istorya ng buhay niya. Ang muli’t muling mamarkahan ng tumataginting na singkong pulang-pula.

 

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: