Doctors (a novel…)

 

 

 

 Doctors

by: Dyeppri

 

“To me the ideal doctor would be a man endowed with profound knowledge of life and of the soul, intuitively divining any suffering or disorder of whatever kind, and restoring peace by his mere presence.”  ~Henri Amiel

 

Chapter I- James

 

“Huhuhuh….Ma—marta huwag mo kaming iwan ng anak mo…di ko kaya!” hagulhol ng asawa nito at nakamasid lamang ang luhaang anak na si James na parang naiingit at sa isip nito na nagsasabi na mabuti pa siya…

 

 

Labing-apat na taong gulang pa lamang si James at nasa second year high school ng iwan siya ng kanyang butihing ina. Sa pisikal na itsura ay may angking ka-gwapuhan ito disin nga lamang at may pagka-kawayan ang tindig nito. Matangkad na payatot ngunit marami pa din naman ang nakakapansin sa mestisuhing itsura niya. Sabi nga ng mga kaklase niya ay sayang naman ang kagwapuhan at hindi nito madala pero kung sa pataasan ng grado naman sa eskwelahan ay hindi siya papahuli. Masipag siyang mag-aral at nina-nais talaga niya ang maging isang manggagamot. Ibig niyang maging Pediatrician sa kanilang lugar. May mabigat na dahilan siya dito. Pumapangatlo siya kay Ike at Glenda sa buong baytang nila sa paaralan.

 

Sina James, Ike at Glenda ay magkakaibigan na simula noong nasa Santa Barbara Elemetary School pa sila. Magkakaibigan ngunit magkakatunggali sa paaralan. Valedictorian si Ike nang sila ay magtapos. Sabi ng ilan ay nasuhulan daw ang Principal ng alkaldeng ama ni Ike. Ngunit sabi naman ni Ike ay tungkulin naman talaga ng Ama niya ang magpadagdag ng bagong gusali na ngayon ay tinaguriang Anex-Bautista. Sinunod sa apelyido ng alkalde at ni Ike ang Bautista.

 

Salutatorian naman si Glenda dahil sa sipag at tiyaga niya na buong oras ay ginugugol niya sa harap ng libro. Lumabo na nga ang mata niya kaya may salamin na siya. Sa sipag niya sa pagbabasa ay patuloy na tumaas ang grado niya at siya na ring pagtaas ng grado ng salamin niya na ngayon ay aabot na sa limang daan. May angkin ding kagandahan ito ngunit ikinunubli iyon ng makapal na salamin sa mukha niya at ng hindi nito pag-aayos o sobrang kasimplihan na ni ayaw malagyan ng kolorete sa mukha. Mas mahalaga daw sa kanya ang laman sa utak kaysa panglabas na kaanyuan.Kaya’t madalas tinutukso ito ng ina.

         

“Hoy, Glenda pakapal ng pakapal yang binabasa mong libro ah.” pagulat na sabi ni Mrs. Razon ang ina nito.

 at tila kakapal nanaman ulit ang salamin mo sa mata.” dagdag pa nito na nang-uuyam at hindi naman kinabahala ito ng binibini.

 

Si James naman ang pumangatlo at naging First Honorable Mention. Likas na matalino si James at kung hindi nga lamang sa pagkakahati ng oras niya sa pagtulong sa ina sa pagtratrabaho at pag-aaral ay malamang na siya ang naging Salutatorian. Isang pasada lamang niya sa kwaderno sa pagbasa ay kuhang-kuha na niya ang laman niyon. May photographic memmory nga daw siya. Alam naman ng mga magulang nito na may angking katalinuhan ang kanilang anak kaya’t kahit magkanda-kuba-kuba sila sa pagtratrabaho ay igagapang talaga nila ang pag-aaral ni James.

 

“Anak tama na iyang pag-aayos mo ng paninda natin at umuwi ka na. May exam ka pa bukas at mag-aalas diyes na.” utos ni aling Marta

 

“Nakapag-basa-basa naman na po ako kanina habang walang masyadong namimili dito sa ating gulayan eh.” pangangatwiran nito sa Ina sapagkat napapansin na niya ang pangangayayat nito at minsang paubo-ubo pa. Sobrang sipag kasi ng kanyang ina at walang ginawa ito kundi alagaan sila na madalas ay nakakalimutan na niya ang pagaasikaso sa sarili.

 

“O, s’ya sige at ako na lamang ang uuwi ng maaga dahil baka wala pang pagkain ang ama mo sa pag-uwi galing sa kung saan.” at naiinis na turan ni aling Marta sapagkat alam nito na pihadong lasing nanaman ang asawa.

 

Problema talaga ni James ang ama dahil kahit may pamilya na ay mahilig pa din sa pakikipag-barkada. Mabait naman si Mang Berto at may matinong trabaho ngunit hindi lamang nito maiwan-iwan ay ang beer at mga kabarkada. Sabagay ay hindi naman siya nagkukulang bilang asawa at ama. Nag-eentrega pa din siya ng sahod kahit minsan ay nababawasan nito kapag nakikita ang kanyang mga ka-tropa sa lasingan.

 

“Wala namang masama sa pakikipag-kaibigan Mar—ta ah! Hindi naman ako nagkukulang sa inyo!!! Hikkk…” ang parating katwiran nito kapag umu-uwing lasing at napagsasabihan ng butihing asawa.

 

Tama naman ang ama nito na buo ang pag-suporta sa kanila pati sa pag-aaral ni James at ang kulang nga lamang siguro ay kalinga sa kanila bilang ama sa kanya at bilang asawa na din sa ina nito.

 

Pinipilit na lamang tanggapin ni James na ganito na talaga ang ama niya at ibinubuhos na lamang niya ang atensyon sa pagtulong sa ina at sa pag-aaral. Tutal naman ay sa kanila pa din umu-uwi si Mang Berto kahit madalas na lasing pa ito.

 

“Kailan ka ba magbabago Berto. Huwag mong kalimutan andyan pa si James at papano kung ako naman ang mawala sa inyo, papano na kayo?” bulyaw ng ina sa lasing nanamang si Mang Berto.

 

“Dahil ako ang dahilan ng pagkawala ng panganay nating si Jun-jun! Ako…Ako! Dito lang sa alak na ito nalilimutan ko ang lahat ng pangyayari. Hik” sabay tulo ng luha nito at may pagsinok-sinok pa… at maya-maya ay nagsuka na sa sahig dulot ng sobrang kalasingan o sa isaw na pinulutan nila na nabili sa kanto. Malamang ay hindi masyadong nalinis ng tindera.

 

Naghihilik na si Mang Berto sa sofa sa sala at ang asawa naman ay dahan-dahang  pinupunasan ng basang tuwalya ang katawan nito upang maibsan ang sobrang kalasingan. Umi-iling-iling na lamang si Aling Marta sa nangyayari sa asawa. Hindi talaga matangap ni Mang Berto ang pagkamatay ni Jun-jun. Mahal na mahal niya ang panganay nila ngunit sinawing palad ito ng may sampung taon na ang nakakaraan. At muling nanumbalik sa kanyang ala-ala ang lahat ng pangyayari na pinipilit na rin niyang kalimutan.

 

May 10 taon na ang nakaraan ng tamaan ng malakas na bagyo ang Sariaya, Quezon. Ang bagyong si Syoning na may signal number 3 na ang naging sentro pa ay ang lugar nila. Binayo ng binayo ang kabahayan nila ng malakas na hangin at naging dahilan naman upang liparin ang kanilang bubungan. Ilang yero lamang ang natira sa bubong nila na naging pangkubli sa dalawang araw. Matapos ang bagyo ay kanya kanyang kumpuni ang mga tao at paglilinis sa bakuran.

 

“Wala namang gagawa nito Marta dahil busy ang lahat sa sariling kabahayan kaya’t ako na lamang aakyat sa bubungan, paki-abot mo na lamang ang mga pako at martilyo.”

 

Gayon nga ang ginawa ni Mang Berto. May ilang oras siya sa bubungan at pok-pok dito at pok-pok duon. Sobrang sipag nito at maituturing na ulirang ama.Naghahanda ng pananghalian ang asawa habang naglalaro sa ibaba si Jun-jun at nasa crib naman ang bunsong anak na si James.

 

Kalabog! Bog! Bog! Tumalsik sa kamay ni Mang Berto ang ulo ng martilyo at tumilapon sa iba-bang kinaroroonan ng mga bata. Nasapol ang ulo ni Jun-jun.

Nagulantang si Aling Marta sa kalabog na narinig at nakitang nakahandusay ang isang anak nito na duguan ang ulo.

 

“Berto….Be—rto! si Jun-jun…Huhuhuh…”  panaghoy ng ina

 

“Bilis! bilis, Marta at dalahin natin sa Lopez Hospital. Tawagin mo ang traysikel ni Igme.”

 

Ang Lopez Hospital ay may isang oras pa byahehin ng traysikel sa sira-sirang kalsada nito. Isa itong pribadong hospital sa bayan. Kulang man sa kagamitan ay walang magagawa kundi dito dalahin ang may sakit kasi ay nag-iisa lamang ito sa kanilang bayan.

 

“Nurse….Nu—rse…tulungan mo ang anak ko! Huhuhuh” maka-awa ni Mang Berto

 

“Limang-libo po ang dapat ninyong e-diposito sa cashier bago ko tawagin ang doctor.” sagot ng supladitang nurse

 

“Emergency ito!” malakas na sigaw ni Mang Berto

 

“Policy lang po ng Hospital ito o ako ang malalagot kay Doc.” padabog na sagot nito

 

“Asan ba si Doc at ako ang kakausap sa kanya? Please!”  pakiusap ni Mang Berto

 

“Nasa bahay pa po eh! Sige na nga po at tatawagan ko muna kung gising na s’ya. Ipagdasal n’yo na may operation siya ngayon ng mapilitang pumunta na din dito at makasabay na matingnan ang anak ninyo… Diyan kayo mag-antay sa waiting area. ”

 

Yapos-yapos ni mang Berto ang anak. Patuloy na hindi gumagalaw ang bata sa bisig ng ama. Basang-basa na ng dugo ang ulo nito. Tila nasa state of shock naman si Aling Marta. Tulala at patuloy na inuusal ang pagro-rosaryo. Nakatitig lamang naman si James na noon ay apat na taong gulang na wari’y naiintindihan na ang mga pangyayari sa pamilya niya.

 

 

“O, anong nangyari sa batang ito?” Tanong ng doctor

 

“Wala pa pong deposit Doc. Hindi ko pa po na-interview kasi mukhang wala na din namang pag-asa eh.” sabad ng Nurse at naka-ngise pa.

 

Siniyasat ng doctor ang kalagayan ng bata. Dilated na ang pupil nito at wala ng reaksyon sa munting ilaw ng flash light na itinapat sa mumunting mata. Tinusok-tusok ng pirdeble ang braso nito at walang reaction. Kinunan din ng blood pressure ang bata at rumihistro ay 90/50. Ibig sabihin mahina na ang tibok ng puso nito.Ganoon din ang heart beat sobrang baba ng bilang 45 bpm. Stage-I commatose ang bata kaya’t pailing-iling na lamang ang doctor habang nakatitig sa kanya ang nakangiseng Nurse. Bakas sa mukha ng doctor ang kawalang pag-asa para sa munting pasyente nito. Napansin agad iyon ni Mang Berto at tuluyan na itong napaluha sa sitwasyon ng pinakamamahal nitong anak.

 

“Sige…sige at ipasok na muna agad sa emergency room at baka tayo pa ang masisi dyan.” utos sa Nurse ng doctor

 

“Sige na po Sir at ako na po ang bahala. Ipapatawag ko na lamang kayo.” sabi ng doctor kay Mang Berto at dali-dali pumasok sa maliit na kwarto

 

“Kayo na po ang bahala Doc sa anak namin.” pahabol ni Mang Berto na nuon ay namumugto na ang mata sa kakaiyak nito

 

Apat na oras ang lumipas at wala pa din ang doktor kayat pinilit silipin ni Mang Berto ang siwang sa pagitan ng saradong pinto sa emergency room. Walang tao doon maliban sa isang kama na animo ay may nababalot sa puting kumot na isang maliit na katawan ng isang bata. Alam niya na malamang na si Jun-jun iyon kayat dagliang tinungo ang Nurse Station ng ospital.

 

“Nu—nurse asan po si doc? Asan ang anak ko? Huhuhuh” tanong ni aling Marta

 

“Ay, oo nga pala. Sandali po at tatawagan ko si doc sa mobile nya kasi po ay kanina pa naka-alis. Nagmamadali po kasi may-emergency din sa kabilang ospital at duon na nagdaan sa likod na pintuan kaya’t malamang ay hindi nyo na nakausap.” sagot ng nurse na naka-ngite na ngayon

 

“Hah!” wala ng nasagot pa si aling Marta at Mang Berto

 

“Sir si Doc po ang nasa kabilang linya ng telepono at kakausapin kayo.” ani ng Nurse

 

“Doc asan na po ang anak kong si Jun-jun? A–ano po nangyari?” tanong ni Mang Berto

 

“Pasensya na po Sir at nagmamadali ako kanina kasi ay may emergency dito sa kabilang ospital sa kabilang baryo… A—alam naman nyo po ang kalagayan ng anak nyo kanina at mahinang mahina na sya. Nang suriin ko po ay comatose na siya at nang isinasa-ayos na namin ang gagawing pag-operasa kanya ay sa kasamaang palad ay binawian na po siya ng buhay. Sorry Sir at wala na po ang anak nyo. Ipinag-utos ko na po ang paglilipat sa morgue sa kanya at makipag-ugnayan na lamang po kayo sa opisina at sa kahera ng ospital.”

 

Hindi maliwanag ang mga sinabi ng doctor kay Mang Berto. Humihingi siya ng paliwanag ngunit wala na siyang makuhang sagot sa hospital. Kung gusto daw niya ay sa korte na lamang siya magsampa ng akusa nito. Ngunit ano nga ba naman ang laban niya.

 

 

Simula ng mamatay ang panganay ni Mang Berto ay unti-unti na ang pagbabago nito. Madalas ay nakikitang umiinom ito mag-isa at kalaunan nga ay kasa-kasama na ang mga kaibigan sa lasingan. Nakikipagtunggali sa puyatan sa mga tambay sa kanto at hindi alintana na may pasok pa siya sa trabaho kinabukasan.

 

Nagpatuloy ang ganoong buhay nila.

 

Si Mang Berto ay sa pagtratrabaho at pakikipagbarkada,

 

Si James sa pag-aaral ng mabuti at pagtulong sa ina,

 

Si Aling Marta sa Pagtitinda at pagiging mabuting ina nito.

 

 

at dalawang taon pa ang lumipas…tulad ng ina-asahan patuloy na nang-hina at bumigay ang katawan ni Aling Marta. Ang ubo ay sinamahan pa ng mga lagnat sa gabi ngunit patuloy na ipinag-walang bahala…Ubo- Plema at Dugo — tubercullosis sa baga na umabot sa buto sa likod at sa utak nito — meningitis ang diagnosis

 

“Huhuhuh….Ma—marta huwag mo kaming iwan ng anak mo…di ko kaya!” hagulhol ng asawa nito at nakamasid lamang ang luhaang anak na si James.

 

“mag-bago ka na Berto. wa—la kang kasalanan at aksidente ang nangyari kay Jun-jun. Alagaan mo si James dahil siya man ay anak mo din na nangangailangan ng pagkalinga mo bilang ama. Huwag mo iyon kalilimutan.” mga huling habilin ng asawa bago tulyang nalagutan ng hininga

 

Sinunod naman ni Mang Berto ang huling tagubilin ng asawa at naging mabuti na itong ama sa anak nito. Pinagbuti na ang pagtratrabaho. Huli man daw ay ayos na din. Muli ay maituturing siyang ulirang ama na minsan na rin naman niyang nagawa. Itinaguyod nito ng mag-isa ang pagpapalaki sa anak at wala na siyang balak mag-asawa pang muli. Tutuparin niya ang huling habilin ng asawa at mga pangarap ni James.

 

“Anak ano ba ang kukunin mo sa kolehiyo?” tanong ni Mang Berto bago sinabitan ng medalya si James at natamo nito ang pinakamataas na parangal sa pagtatapos ng High School bilang Valedictorian.

 

“ Itay pwede po ba na PT ang kunin ko bilang pre-med?” tanong ni James sa mahinang boses dahil takot na baka ‘di pumayag ang ama nito

 

“OO naman anak. Ikaw ang bahala at igagapang natin ang pag-aaral mo.”

 

“Siguro naman po ay makaka-kuha ako ng scholarship. Susubukan ko po, kasi may ibibigay na pagsusulit sa San Pablo Medical College sa susunod na buwan .” nakangiteng sabi ni james na mababakas ang sobrang kaligayahan sa pagpayag ng ama nito.

 

May 500 mag-aaral ang kumuha ng pag-susulit para sa scholarship ng Pre-Medicine at 10 ang makakakuha ng full scholarship, 10 din na estudyante sa 50% discount at 20 naman para sa 30% discount sa tution fee. Lahat ng 40 students ay tutuloy sa dorm na talagang inilaan para makapag-concentrate sa pag-aaral ang mga estudyante. Bawal ang working student at isang linggo lamang sa isang taon pwedeng umuwi sa bayan nila ang mag-aaral dito. May kontrata sila sa mga alituntunin ng paaralan. Kasama na dito ang pakikipag-relasyon ay hindi pinahihintulutan at dagdag pa na bawal din ang ano mang bisyo tulad ng sigarilyo, alak at sugal. May nakatokang gwardya sa mga estudyante sa dorm na nagbabantay sa mga kilos nila at ang minsang mahuli ay maa-aring mapatalsik sa paaralan. Maganda ang programa nito ngunit mahigpit talaga dahil kelangang mapanatili ang pinakamatataas na grado. Hindi dapat bumaba ng 1.5 ang bawat grade sa subject o katumbas ng 93.3%.

 

Duon sa San Pablo Medical College muling nagkita-kita ang magkakabarkada na sina James, Ike at Glenda pagkatapos ng pagsusulit.  Nag top duon sa listahan si Glenda dahil isang buwan niya itong pinaghandaan. Araw at gabi siyang nag-aaral dahil alam niyang magkakatunggali nanaman silang tatlo duon. Pumangalawa ay ang pangalang Edgardo, isa rin na valedictorian sa Calamba High School; pangatlo ay ang pangalang Noel na walang nakakaalam kung saan galing na school at pang-apat lamang si James samantalang pang sampo naman si Ike. Malamang ay walang palakasan dito dahil galing din sa maimpluwensyang angkan ang ilang kumuha ng pagsusulit ngunit hindi pinalad na makasama sa listahan. Utak lamang talaga ang labanan. Paramihan ng fully functionals na mga neuronsn at talas ng memmory.

 

“Ayos at nakapasa tayong tatlo sa scholarship! Ayos!” sabi ni Ike na tuwang-tuwa

 

“Magtigil Ka nga dyan at kaya mo naman magbayad eh dahil alkalde ang ama mo” sagot ni James at napangise lamang si Glenda dahil may kaya din naman sila

 

Physical Therapy at Nursing ang napiling Pre-med Course nang 40 applicants. Sa application kasi ay nilalagay ang first, second at third choice na kurso. Kasama pa sa pinagpipilian ay Nutrition, Biology, Psychology, Medical Technician, Radiology, Respiratory Therapy at Occupational Therapy. Ang dalawang pinakamarami ang matitira dito na magiging choices ng lahat. Ngunit sa talaan ay 35 estudyante na ang napili ay PT dahil sa ibat-ibang dahilan. Ang iba ay nagsasabi na maganda itong panimula sa Medicine dahil tinatalakay nito ang ibat-ibang sakit hindi tulad ng Nursing na fundamentals lamang ng patient care ang malaking bahagi ng pag-aaral. Samantalang ang PT ay minsan pwe-pwedeng maging independente kung wala pa ang doctor. Pwede silang mag bigay ng pansamantalang diagnosis sa unang tingin pa lamang at magbigay na ng agarang pa-unang lunas. Medyo may kalayaan ika nga sa batas ng Science. Limang taon nga lamang ang kanilang bubunuin dito.

 

“Paano mga school mates at kita-kits na lang ulit next week sa bagong life natin!” paalam ni Ike na hindi maipinta ang mga ngite sa mukha nito at sinusundo ng ama dahil tutungo daw sila ng Maynila para mag-celebrate.

 

“Sabay na tayo James umuwi ha kasi wala naman akong sundo eh. Hindi ko alam ang sakayan ng bus dito pabalik sa atin.”  magkahawak kamay ang magkaibigan na tinahak ang pabalik ng Sariaya sakay ng bus.

 

May kakaibang pintig sa kanilang mga puso ng mga sandaling iyon ngunit may mas importanteng bagay pa silang dapat harapin, hindi ang kanilang nararamdaman… hindi dapat…hindi pa sa ngayon.

 

Alam ni James na may pag-hanga na siya sa kaibigang babae simula’t simula pa ngunit hindi niya iyon pinag-ukulan ng pansin dahil sa kakulangan ng oras niya. Sa sarili nga niya ay kulang pa. Kaya papano pa niya magagawang magmahal ng iba. Ayaw niyang saktan ang dalaga at ayaw din niya masira ang kanilang samahan. Takot at pangamba sa tuwing iisipin niya ang mga bagay na iyon. Ang mas importante sa kanya ay ang samahan nilang tatlo na binuo at pinatibay na ng mahabang panahon.

 

“Wala namang nanliligaw kay Glenda at ako lamang siguro ang nakakapansin sa magandang mukha nito lalo na kapag nasabahay niya kami at tinatanggal ang makapal na salamin nito upang magcontact lens lamang. Napakaganda talaga niya disin nga lamang at walang balak mag-ayos.” sinasabi ni James sa sarili habang nakahiga at nangangarap ng gising. Kay lakas ng kompiyansa nito sa sarili at papano kung may nakapansin kaya nito, papano kung si Ike kaya ay may ikinukubli ding pagtatangi sa dalaga? “Wala naman siguro.” sa isip-isip niya upang maibsan ang takot na nadama kung magkagayon nga. “Bahala na! Patay kang bata ka James… patay ka” bago tuluyang nakatulog.

 

Pagtulog at pagla-lakwatsa ang ginawa ni James ng ilang araw dahil pihadong sa susunod na linggo ay tapos na ang maliligayang araw niya. Baka iyon na ang huling sandali na matutulog sila ng hihigit sa 8 oras. Bagong buhay na ang haharapin nilang tatlo. Ibang kabanata na ang susunod nito…

 

 

 

itutuloy…

 

Chapter 2 – Glenda

Chapter 3 – Ike

Chapter 4 –

Chapter 5 –

 

 

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: