Kabilin-bilinan ng Lola Kang Huwag Uminom ng Serbesa (isang sanaysay)

Isang pangako na naman ang siguradong mapapako, hinding-hindi na ako iinom ng kahit anong nakalalasing na inumin. Ito lang naman ang idinudulot ng pag-iinom; sakit ng ulo, puyat, panghihina bukod pa sa pagkabutas ng bulsa na dahil sa mahal na rin ng alak at pulutan. Kung bakit kasi noon pa ay hindi ko magawang masunod ang payo ng lola ko. Lahat na yata ng sinasabi niya o sasabihin pa ay ikinaiirita ko. Bakit ba ganoon ang mga lola, parating nakikialam sa buhay ng mga apo nila? ‘Yun na lang ba ang kanilang libangan?

 

Lumaki ako sa piling ng lola ko dahil isang kahig-isang tuka lamang ang pamilya ko. Parehong magulang ko ay walang ginawa kundi magbanat ng buto. Gabi na kung dumating sila sa bahay kaya buong araw ay si lola ang kasama ko. Maskampante daw sila na siya ang nag-aalaga at nagtuturo ng lahat ng bagay sa akin. Sang-ayon naman ako duon dahil minsan na akong nahulog sa hagdan dahil iniwan ako ni yaya para makipag- tsismisan sa nobyo nito. Kaya kinabukasan ay kapisan na namin ang lola ko. Buong araw ay siya ang kasama ko. Madalas nga ay mapagkamalang menopausal baby daw ako kasi hindi pa naman katandaan si Lola at sa lahat ng bagay ay siya ang kasama ko. Sa paglalaro ng holen sa ibang mga bata ay parating kasali ang lola ko, sa tumbang preso ay siya rin ang taga-pulot ng tsinelas na inihagis ko, sa taguan ay siya pa rin ang palaging taya.

 

Nakakatuwa talaga ang lola ko ngunit ang katuwaang ito ay may hangganan. Napalitan ng pagkainis pagkaraan ng mga taon. Nakakasawa na. Nakakairita na siya. Biruin mo na hindi daw ako pwedeng magbisekleta ng wala yung maliliit na gulong sa tagiliran dahil baka daw ako matumba. Nuon ay masasabi kong tama nga iyon pero diyos ko, nasa high school na ako ano! Katawa-tawa naman yatang may maliit na gulong pa iyon. Minsan naman ay nakipanood ako sa bahay ng crush ko. Ang saya-saya ng panonood namin ng Sleepless Night in Seatle ng biglang sumigaw si lola sa labas ng gate dahil malamig na daw ‘yung gatas ko. Halos matumba ako sa kinauupuan ko. Minsan din ay may isinama akong nobya sa bahay namin ngunit iyun din ang naging dahilan para iwanan  niya ako. Akalain mo bang kung ano-ano ang tinanong ng lola ko sa kanya ng maiwan ko siya sa sala. Isa daw ba siyang mabuting babae, nakailang nobyo na daw ba siya at ang pinakamabigat ay kung birhen pa daw ba siya. Simula nuon ay hindi na ako nagpakilala sa kanya ng kahit sinong kaibigan ko at sa malalayong lugar na lamang din ako nanliligaw dahil kahit sa aking paaralan ay hindi rin pwede dahil naandun siya minsan para sumundo sa akin. Nagdadala ng meryenda o tanghalian. Mabuti na lang  ay pinagsabihan siya ng guro ko na hindi siya pwedeng sa pumasok sa loob ng silid paaralan kundi ay malamang inantay pa niya ako roon. Nang nagkolehiyo na ako ay  sa wakas nakatakas na rin ako sa anino ni Lola kasi matanda na siya at madali ng mapagod. Pinagbawalan na rin siya ng doktor niya na maglalabas ng bahay dahil marami na daw komplikasyon ang sakit nitong diyabetis. Laking pasasalamat ko talaga nuon. Kaya ayun at walang magawa si Lola kundi magbilin na lamang sa akin tuwing lalabas ako ng bahay. Hindi na kita masasamahan apo kaya mag-iingat ka sa pagtawid-tawid mo, sa pagsakay mo, sa nilalakaran mo, ang pagkain mo,ang payong mo,huwag mong hahayaang matuyuan ka ng pawis sa likod, ang cellphone mo at tawagan mo ako parati at higit sa lahat ay huwag kang iinum ng kahit anong serbesa at masama ‘yun. Isang malakas na Oho lamang ang isinasagot ko dahil minsan akong nangatwiran sa kanya ay nagsumbong ito kay mommy kaya grounded ako ng isang linggo. Hinayaan ko na lamang siya tutal umuuwi lamang naman ako sa bahay para matulog at maligo. Mabilis na lumipas ang panahon na kahit may trabaho na ako ay ganuon pa rin kami ni lola. Magbibilin siya ng sangkaterba at sasagot ako ng opo na lumalabas lamang din naman sa kabilang tenga ang mga paalala niya.

 

Noong nakaraang taon ay pumanaw na si Lola. Napakaraming tao ang dumalo sa libing niya na ipinagtaka ko. Hinahangaan daw nila ang lola ko dahil mabait ito sa kanila. Walang kibo at hindi marunong makipagtsismisan. Walang ginawa kundi palakihin sa tamang direksyon ang apo niya. Tama naman daw iyon dahil ang lahat ng kanyang ginagawa ay napagdaanan din niya. Lahat ng mga naririnig ko na sinasabi nila sa lola ko ay kumikirot sa puso ko. Mabuti pa ang ibang tao at sinunod nila ang payo ng aking lola kahit hindi ito para sa kanila. Mabuti pa sila at naiintindihan nila siya. Ako ‘ata ay ngayon lamang ito nauunawaan.

 

Ngayon naririto kaming mag-asawa sa Dubai pero panatag pa rin ang loob namin na naalagaan ng mabuti ng mommy ko ang apo nila at hindi ng ibang tao. Marahil ay darating din ang panahon na ako naman ang mag-aalaga sa apo ko na kagaya rin marahil sa ginawa ni Lola sa akin noon. Ngayon pa lamang ako magpapasalamat sa lola ko, sa lubos at taos puso niyang pag-aaruga sa akin. Salamat po Lola Felecing… Salamat.

 

dyeppri

 

______________________________________________________________________________________

Ang may akda: Jeffrey Valencia Agon

Ikinabubuhay: part time writer, full time PT

Lokasyon: Dubai, AE

Liham: dyeppri1975@yahoo.com

ang akda: unang lumabas sa Filipinowriter.Com/ January 20, 2009

 

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: