Araw ng mga Patay

 

 

Bibihirang pagkakataon lamang dumating ang isang pambihirang pagkakataon na kagaya nito kaya kailangang samantalahin at baka hindi na muling maulit pa. Kay tagal kong hinintay. Kay tagal.

 

Paputok pa lamang ang liwanag ay inuunahan na ni Berto na bumangon sa kama ang kanyang  anino. Takot siyang baka magmatigas ito at sakit ng katawan ang aabutin niya mula sa umampon sa kanya.

 

Gamit ang maliit na lampara na siyang magsisilbing tanglaw sa marikit na barong-barong nila . Mabuti pa nga ang dinampot niyang dalawang palitong posporo at kumakalog pa sa bahay nito samantalang sila ng kanyang amain ay halos nagkakabanggan na sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Banggaan ng damdamin at kaluluwa. At siyempre siya ang palaging talo. Papano ba mananalo ang may katinuan na utak sa lumalangoy na espirito ni San Miguel, baka kahit sinong Santo ay susuko sa kanya.

 

Nagsaing.Naglaba.At kung hindi pa niya namalayan na kumikisig na sa pagtilaok ang makisig na manok na pansabong sa ibabaw ng putol na kahoy ay hindi pa siya titigil sa pagkusot sa butas-butas na damit. Kung pwede nga lamang mapapaputi ang nanlalabong kinabukasan niya ay matagal na niyang kinusot iyon o kahit  ibabad sa clorox. Sawa na rin siya ngunit wala namang magagawa kundi ang humikbi at magtaas ng balikat sabay sa mga buntong hininga.

 

Pinilit niyang isinubo ang mainit na kanin at nanlalamig na isang pirasong pritong isda na kanina pa nakatitig sa kanya. Ilang araw na rin iyon nananalangin na sana ay pansinin ni Berto ngunit sabi niya ay bukas na lamang dahil espesyal ang araw na iyon para sa kanya. Iyon ang “Araw ng mga Patay” ngunit sa tulad niya ay iyon ang araw para sa mga buhay na kagaya niya. Isang pista. Isang pag-pipista.

 

Kinuha niya ang iilang barya sa kumakalansing na lata ng biskwit na matagal na niyang iniipon at tinatago sa amain nito. Papagulungin daw niya iyon kasama ng mga kaluluwang gumugulong sa daan tuwing pista. Mabilis niyang tinungo ang bodega ni Aling Isya at kinuha ang isang kahong order na kandila. Hoy Aling Isya, sampong kahon ang pipilitin kong ubusin ngayon ha kaya pakireserba ako, tagubilin niya sa pailing-iling na matanda.

 

Tulad ng inaasahan niya ay iba ang araw na iyon para sa kanya. Triple o mas higit pa sa nakaraang taon ang hindi mabilang na tao ang dumadalaw sa mga  nahihimlay na puntod sa tinuturing niyang subdibisyon na pag-aari niya o mga kagaya niyang squater, ang sementeryo ng Santa Barbara sa Lucena. Tanto niyang dadagsa ang mga tao sa kanila ngayon dahil nakita niya noong nakaraang buwan na duon inilibing ang sikat na sikat na batang aktor sa pelikula. Iyon bang namatay sa bangungot sa Palawan. Hindi man niya ito kilala o kahit sa pangalan ay hindi niya maalala, labis ang pasasalamat niya rito. Kung makakamayan lamang sana niya ang patay ay ginawa na niya ng oras na iyon sa labis na katuwaan dahil kay aga pa ay kumakapal na ang tao sa paligid ng espesyal na nitso. Hula niya ay mayamaya lamang ay ni isang karayom na mahuhulog sa kalangitan ay hindi magagawang sumayad sa lupa nito. Sarap ng pakiramdam. Sarap ngumite.

 

Habang nangangarap ng pansit sa Hacienda Inn o hamburger sa Jollibee ay isa-isa na niyang kinalabit ang mga magsising-irog na naghaharutan at naglalandian upang makiosyoso kung sino-sino ang dadalaw sa espesyal na kaluluwa. May sabi-sabi kasing darating daw si Klawdin kasama si Reymart. Tsismisan pa nga ang iba na kaya daw binangungot ang una ay inahas noong pangalawa, may roon namang nagsasabi na talagang likas na haliparot lang daw ang dalaga. Ngunit walang pakialam si Berto diyan, wala siyang panahon sa ganyan kundi ang kumita at mangalakal. Hoy bumili ka naman ng kandila upang matuwa ang idol mo, sabi niya sa mga ito at pabulong pa na dinagdag habang ngingite-ngite na sana ay dalawin kayo niya sa gabi o kaya’y bumangon siya sa hukay at magpasalamat sa inyo.

 

Kay mahal naman ng kandila mo totoy, pasigaw na sabi ng isang matanda na animo’y hinihila na rin sa hukay. Sa inis ni Berto ay pangite niyang sinagot ito, huwag po kayong mag-alala lola at baka bukas-makalawa ay kayo naman na  ang aalayan ng mga tao ng libreng kandila. Nang marinig ito ay halos patayin si Berto ng nanlilisik na mata nito at agad naman niyang inirapan at tinalikuran ito.

 

Napapalukso si Berto sa tuwing makakaubos ng isang kahon. Kung noong nakaraang taon ay ang tatlong kahon ng kandila ay alas sais na niya naubos, ngayon ay nakaapat na siya at mag-aalas nuwebe pa lamang. Mabilisan siya kung kumilos.Kalabit duon- kalabit dito. Hindi alintana ang kumakalam ng sikmura. Takbo.Lukso.Lakad.

 

Kay gandang tanawin ang lugar na iyon para sa kanya. Ibat-ibang klase ng nilalang ang nag-uumpok-umpok sa iisang lugar. May mayaman na naka chedeng pa na pinipilit ipasok sa makipot na daan ang sasakyan nito at baka daw ma-carnap. May seksing akala mo ay kakalabas lang sa kabarete na pakendeng-kendeng  kung maglakad at halos ikaluwa na ng mga mata ng mga astig na kalalakihan. Sino kaya ang dadalawin nito, ang asawa? natanong ni Berto sa isipan niya. Baka konsimisyon ang kinamatay nito sa asawa niya. May roon ding mga batang naglalaro at naghahabulan, mayroon pa ngang ilang batang nahulog sa naiwang hukay na nirereserba para sa susunod na katawang inaantay na ng matatabang bulate. Oo, masasabi ngang matataba dahil madalas dito nangunguha ng mga bulate ang mga namimingwit sa ilog Dumacaa sa dikalayuan. Halos ikabaliw at atakihin sa puso naman ang mga magulang nang makita ang mga anak nitong gumulong sa hukay.Napapasigaw ang mga ito na tatakbuhin ang mga anak at papaluin kapag ka-ahon sa mga ito upang magtanda. Anopa’t maya-maya pa ay anduon na naman sila at naghahabulan. Nagwaglit nanaman sa paningin dahil sa pag-aabang sa mga artista. Minsan ay may napadaang gwapo, sigawan ang lahat. Pa-autograph naman, pa-autograph please! Artista ba yun e si Totoy Mola iyon na anak ng magpapatis sa bayan at nagpa-rebond lamang naman tsaka nagbihis ng amerikana ah.

 

Kinabahan si Berto. Bakit tila isa-isa ng umaalis ang mga tao. Hindi naman siguro dahil sa pagkadismaya kay Totoy Mola o sa pagka-inip. Dumalang na rin ang paparating. Sheet. Hindi napansin pala ni Berto ang dumidilim na kalangitan. Dumilim na rin ang kanina ay maaliwas niyang mukha. Mukhang mauuwi sa pansit canton na tig s’yete pesos na nakabalot sa pakete siya mauuwi. Hindi siya lucky sa instant instant lucky me.

 

Bumuhos na nga ang malakas na ulan. Naanod na ang mga tao papalabas sa sementeryo. Naiwan na naman siyang mag-isa sa paborito niyang puntod.

 

Mabuti ka pa hindi mo ako iniiwan, umulan man at umaraw. Yun nga lang ako nakakaramdam ng gutom at ikaw hindi. Sana matulungan mo akong magdasal na sa susunod na taon ay hindi na umulan.

 

end

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: