‘Sensya na bantay

‘Sensya na Bantay

 

Marami ang haka-haka sa tuwing umaalulong at kumakahol sa dis-oras ng gabi itong si Bantay na asong-askal ni tata Igme. Maaaring  nakikita daw nito ang nagalit na maligno na nakatira sa pinutol na puno ng sampalok ,upang bigyang daan ang pagpapatayo ng isang isang maliit na dampa sa harap ng kanyang bahay. Maaari din naman daw isang  kaluluwang hindi pa makuhang lumisan kagaya ng asawa  ni tata Igme na namatay sa kunsumisyon daw sa inaraw-araw na paglalasing ng huli at nito na lamang medyo nagtimi` o maaari rin naman na  may nakikitang palaboy na anino katulad ng mga binatang lango sa droga at patuloy ang pagliliwaliw sa kalagitnaan ng gabi. At ilang gabi na rin ngang balisa  ang matanda dahil sa pagkakapuyat nito..

 

“Hoy, tata Igme hindi mo ba kayang patahanin iyang aso mo at kami man ay napupuyat din dahil ilang araw na iyan sa pagwawala sa gabi?!” Paangil na sabi ni Marimar na numero unong tsismosa at parating nakatambay sa harapan ng tindahan ni tata Igme. Ito na rin ang nagkalat ng mali-maling balita sa bayan nila na sinadya daw patayin ni tata Igme ang asawa nito upang masolo ang negosyo ngunit wala namang maniwala rito dahil sa tanto nilang ganap ang pagiging madaldal ni Marimar. Ito na rin kasi ang ikinabubuhay niya, ang pagiging tsismosa, tulad ng pananakot niya sa mga binata sa tambayan, papautangin mo ba ako o ipagkakalat ko ang  numer- uno mong  pagiging kuripot sa iniirog ninyong si Bebang na atsay sa malaking bahay.

 

Walang nagawa si tata Igme kundi huminge ng paumanhin kay Marimar dahil minsan na niya itong nakabanggaan at kung ano-ano ng baho ang ipinangalandakan nito sa lahat ng makasalamuha nito,” pasensya na at gagawa ako ng paraan para manahimik na ang aso ko”.

 

Sumunod na araw ay nanahimik naman na si bantay sa hindi malamang kadahilanan. Marahil ay nadaan sa mahinahong pakikiusap ni tata Igme sa asawa nito na huwag ng papakita pa sa aso at kung gusto nito ay sa kanya na lamang magpakita at tutal ay nami-miss na rin niya si Aling Tasing na asawa nito. Ipinangako rin niya sa puntod nito na magpapadasal daw siya sa ikalawang linggo para sa unang taong anibersaryo ng pagpanaw niya kahit ipangutang pa nito.

 

Ilang araw ding naging payapa ang mga sumunod na gabi ngunit isang madaling araw ay napabalikwas si tatang Igme sa muling pag-iingay ni bantay. “Punyetang aso ito ah,” sabi nito at mabilisang tinungo ang alaga. Sinitsitan ito tsaka dumampot ng mahabang patpat at walang awang iwinasiwas iyon sa katawan ni bantay. Namilipit sa sakit ang aso na siyang dahilan upang magtago ito sa sulok ng maliit na bahay nito. Hindi naman magawang makatakas dahil sa lubid na nakatali sa leeg kaya’t minabuting manahimik na lamang sa tabi. “Hindi ko na alam kung ano pang gagawin ko sa iyo at mabuti pa siguro ay ibigay na lamang kita diyan sa mga adik-adik sa kanto.”

 

Maraming nakisalamuha at nanginain sa pagpipiyesta para sa namatay na asawa ni tata Igme. Mababakas sa mukha niya ang kagalakan dahil maraming dumalo sa piging kahit alam naman niyang gusto lamang makikain o makipagtsismisan ang karamihan. Mukhang aabutin pa ng umaga dahil dagsa ang tao na halos buong baryo ay nakidalo, kahit nga ang mga kilalang adik ay andoon na animo’y nakikisimpatya sa kanya. Upang magkaroon ng silbi ang mga ito ay nilapitan ni tata Igme ang isa,”Boy Buang mukhang kukulangin ang pulutan natin kaya mabuti pa ay simulan na ninyong katayin si Bantay at ng maihabol pa. ‘Yung masarap at maanghang ha,” pautos nito.

 

“Ayos ‘yan tatang at mukhang mataba talaga itong si bantay. Napakasarap niyan!” at mabilis na tumalima si Boy Buang at iba pang mga adik at pangise-ngise pa nang tumalikod ang mga ito. Isang hampas lamang sa ulo ng dos por dos ay tulog ang kawawang si bantay. Inihanda ang asero upang sunugin ang balat nito at ng madaling mabalatan. Halatang sanay sa ganitong gawain ang mga ito.Umanggi ang amoy ng pagkasunog ni bantay na napagtanto ng lahat na may bago nanaman silang pagsasaluhan at mapupulutan, isang kalderetang aso.

 

Naging maayos naman ang naganap na selebrasyon kaya’t naging bida ng ilang araw si tatang Igme sa mga tsismosa sa kanilang lugar, syempre kasama na rin duon si bantay. Ikinatuwa naman iyon ng mga karatig bahay niya dahil nakakatulog na sila ng walang iistorbo sa hating gabi.

 

Isang madaling araw at umaambon pa makaraan ang isang lingo nang piging ay napukaw si tata Igme sa kaluskos sa likod ng dampa niya. Anim na anino ang bumulaga sa kanyang harapan ng hindi niya namalayan. Isang kahon ng paninda niya at dos por dos ang tangan ng isang anino ang nakita niya. Natatandaan pa ni tata Igme ang kahoy na iyon, ang siyang ginamit ni Boy Buang para kitliin ang buhay ni Bantay at napagtanto din niya na marahil ay itong mga aninong ito rin ang dahilan ng pag-iingay ng ilang gabi ng kanyang aso. Pinilit din niyang humiyaw at gumawa ng ingay ngunit walang lumabas na salita sa bibig niya. Dinampot niya ang mga nasaharapang mga kaserola at kawali saka pinaghampasan upang makakuha ng simpatya sa mga natutulog na kalapit bahay ngunit animo’y walang nakarinig nito. Naramdaman na lamang ni tata Igme na tumama sa nuo niya ang mahabang kahoy at bumulwak ang dugo sa mukha niya na siya ring dahilan upang takasan siya ng ulirat.

 

Ginising na lamang si tata Igme ng nakapapasong apoy sa paligid niya. Hindi siya makatakbo dahil sa pagkakatali sa mga paa’t kamay niya. Humihiyaw siya at nanghihingi ng tulong ngunit walang pumapansin sa kanya, walang magkalakas loob sa mga ingay ng sigawan sa labas ng dampa na sana’y sagipin siya sa makapal na apoy at nausal na lamang niya bago tuluyang nawalan ng malay-tao, “ ‘sensya na Bantay”.

 

end.

 

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: