Ilog ng Bamban

 

 

Ilog ng Bamban

 

“Bakit ba mainit ang ulo mo tatang Igme?” pag-uusisa ng pamangkin kong si Berto noong makita niyang padabog kong sinipa ang ilang balde na pinaglagyan ng mga isdang nahuli ko at inilako ko sa bayan.

 

“Aba ey, walang nangyari sa pagpapagod ko at kinikilan lang ako ni Sarhento Ismael nang mapadaan ang sinasakyan naming jeep dyan sa check-point,”  pinag paguran ko ay iba ang kumain. Walang hiyang buhay ito at kung mamalasin ka nga naman talaga.

 

“Ganyan talaga ‘tang, kapag malakas ang ulan ay nagsisilabasan ang mga piranha at handang lamunin ang kayang lamunin ng sikmura nila.” pangungutaya pa nito

 

“Bantayan mo itong kamalig at manghuhuli muli ako upang may maiulam tayo,”  at nagmamadali akong lumarga papunta sa kabilang ibayo. Hindi naman iyon kalayuan at mga isang oras lang na paglalakad sa masukal na kagubatan ng Bamban. Minabuti kong baybayin ang maliit na sapa upang mapabilis ako sa malaking ilog. Ngunit hindi ko akalaing muling magkakasalubong kami ng landas ni Sarhento.

 

“Sir magandang hapon po ulit,” anong kayang maganda sa hapon eh napakalaking daga ang nanginginain dito sa mga tulad kong maralita ang muntik ko na sanang sabihin ngunit nakapagtimpi pa ako. ‘Di hamak naman na masmalaki pa ang nakukuha nilang sahod sa tulad naming isang kahig isang tuka at nakukuha pang manghingi  ng abuloy na proteksyon daw laban sa mga rebelde. OO nga at nanghihingi din ang mga rebelde ng revolutionary tax pero ganun din naman iyon at iniba lang ang pangalan. Tungkulin naman nila talaga na pangalagaan kami sa mapagsamantalang kaluluwa, di yata’t sila pa ang nangunguna dito.

 

“Mang Igme kakarampot ang binigay mo sa amin at may kulang ka pang anim na buwan ah. Huwag mo ng antayin pang umabot sa langit ang pinaghirapan mo,” mukhang nananakot na ito.

 

Wala naman na talaga akong maibibigay pa at ito ngang tsinelas ko ay butas-butas na. Kahit siguro hubuan pa niya ako ay wala na siyang makukuha kundi ang apat na pong pisong naitago ko noong isang araw ngunit pambili pa iyon ng bigas na kakainin namin sa apat na araw. “Wala na talaga Sarhento, pasensya na.”

 

Ngunti bumakat sa manipis kong porontong ang pitaka ko at wari’y napansin niya iyon kaya’t inusisa kung ano pa ang laman niyon.

 

“E… ano ito Igme?

 

Napapaluha akong nakiusap kay Sarhento na ‘wag naman na niyang kunin pa iyong kakainin ko sa apat na araw “Sir sa susunod na lamang..” at isang bigwas ng suntok sa likuran ko ang tumama sa akin. Hindi ko alam kung kanino galing iyon at tumalsik na lamang ako sa damuhan. Isa…dalawa…tatlo at hindi na mabilang na tadyak ang sinalo ng mahina kong katawan. Pumikit na lamang ako habang namimilipit sa sakit na inaabot ko at hindi ko namalayan na nawalan na  ako ng malay-tao.

 

“Gising na Mang Igme…gising at kumain ka muna,” mga boses na nagpabalik sa ulirat ko. Hindi ko pa masyadong maikilos ang katawan ko at puro kirot ang dumadaloy sa aking ugat. Hindi ko matandaan ang nangyari at pilit kong inaaninag ang mukha ng nasaharapan ko.

 

“K-ka Ben… asan ako?” Nalilito kong pag-uusisa at isa-isa niyang sinagot ang mga tanong ko.

 

“Nakita ka naming walang malay sa tabing ilog ng Bamban kaya’t dinala ka namin dito sa kampo. Baka kasi malaman pa nina Sarhento na buhay ka pa at balikan ka pa nila. Ikaw kasi at kay tagal ka na naming pinapasama sa kilusan…aayaw mo naman.”

 

“Marahil Ka-Ben…tama ka nga. Hindi na maabot ng gobyerno ang paghihirap ng tulad nating maralita. Hindi nila tayo matulungan sa ating mga karaingan  kaya panahon na rin siguro na tayo na mismo ang humanap sa mga sagot sa ating mga pansariling karaingan.”

 

“Isa rin ako noon sa mga kagaya mo Ka-Igme, hindi ako naniniwala sa marahas na pakikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay ng tao sa lipunan ngunit wala akong matakbuhan. Ang kilusan lang ang nagpamulat sa akin nito, sila din ang umintindi ngunit hindi nila ako pinilit dito. Hanggang ngayon ay handa sila kung nais ko anumang oras na lumisan, kung mapagtanto ko kung may pagkakamali sa pinaglalaban dito. Iyan din ang gagawin ko sa iyo Ka-Igme, kung malaman mo na iba ang gusto mo ay malaya kang makakabalik sa ibaba….ngunit nais ko lang ipaalam sa iyo na wala ka nang babalikan pa…     <  patlang  >               tinupok ng apoy ang buo mong kabahayan kagabi at hindi pinalad na makaligtas dito ang pamangkin mong si Berto. Nakulong siya sa makapal na apoy na tinatawag ang yong ipangalan. Tulad ng dati ay walang nais magsalita sa mga taga sa inyo kung sino ang may gawa.”

 

Naalala ko ang sinabi ni Sarhento “kakarampot ang binigay mo sa amin at may kulang ka pang anim na buwan ah. Huwag mo ng antayin pang umabot sa langit ang pinaghirapan mo” naging usok ang lahat ng pinaghirapan ko ngunit bakit kaya dinamay pa si Berto na wala namang kasalan sa kanila at nagpupumiyos ang damdamin ko.

 

“Sasama na siguro ako sa pakikibaka at wala ng atrasan pa ito. Pinilit nila ako at hahayaan ko na lamang tangayin ng agos sa ilog ang natitirang paniniwala ko sa isang  mapayapang pagbabago,wala nga sigurong` ganito. Kailangang ipaglaban sa marahas na pamamaraan ang minimithing  kapayapaan.” pabulong ko sa aking sarili.

 

Bukas ay handa na ako. Isa-isa kong bibingwitin ang mga kasagutan ko.

 

end.

Leave a comment